Kinalap ni Tracy Cabrera
MANILA — Sa pagpansin sa madali at dagliang pagpasok ng mga coronavirus variant tulad ng Delta at Alpha sa bansa, nagbabala ang mga lokal na health expert para hilingin sa pamahalaan na bantayang maigi ang isa pang strain ng severe acute respiratory syndrome-coronavirus-2 (SARS-CoV-2) na sanhi ng CoVid-19 at unang nadiskubre sa bansang Colombia.
Ayon sa World Health Organization (WHO), imino-monitor nila sa ngayon ang bagong coronavirus variant na kung tawagin ay ‘mu’ — B.1.621 sa mga siyentista —at idinagdag sa listahan ng mga ‘variant of interest’ dahil sa preliminary evidence na kaya nitong umiwas sa mga antibody.
Bukod sa WHO, imino-monitor din ang nasabing variant ng Estados Unidos, na matapos unang ma-detect sa Colombia noong Enero (ng taong kasalukuyan) ay bumubuo ngayon ng 39 porsiyento ng lahat ng mga kaso ng CoVid sa naturang bansa sa South America.
Inihayag din ng mga virologist na ang ‘mu’ variant ay mayroong potensiyal na makaiwas sa immunity na ibinibigay ng mga bakuna at antibody at dahil dito, inilista ito ng WHO bilang ‘variant of interest’ nitong nakaraang 30 Agosto.
Gayonman, sinabi ni US top infectious disease expert Dr. Anthony Fauci, na siyang nangunguna sa medical team ni US president Joseph Biden, ang variant ay hindi pangkaraniwan sa North America, ang mas nakahahawang Delta variant ang bumubuo sa 99 porsiyento ng lahat ng kaso ng CoVid-19.
“(The new variant) has a constellation of mutations that suggests it would evade certain antibodies,” ani Fauci habang wala pang kompletong datos na nagpapatunay sa mga napaulat ukol sa ‘mu’ variant.
Idinagdag ng chief medical adviser ni Biden na ang mga bakuna ay epektibo pa rin sa iba’t ibang mga variant na may magkakahintulad na karakter. “Bottom line (is) we are paying attention to it. We take everything like that seriously, but we don’t consider it an immediate threat right now,” pagtatapos nito.