ISANG araw bago ang ika-7 anibersaryo ng programa, inulan ng kaliwa’t kanang pagbati si Rex Cayanong, sa pangunguna nina Pangulong Rodrigo Duterte, Vice President Leni Robredo, ilang senador, mga kongresista, at marami pang iba.
Binanggit ito ni Cayanong kaugnay ng pagdiriwang bukas, 7 Setyembre, ng ika-7 anibersaryo ng kanyang programang Target on Air ni Ka Rex Cayanong.
Ang Target on Air ay isang public service program sa radyo na tumatalakay sa iba’t ibang isyung panlipunan, tumutulong sa mga nangangailangan, at pinupuntirya ang mga tiwali sa bayan.
Nagsimula ang programa ni Ka Rex sa DWAD (1098 AM) na pinatatakbo ng Crusaders Broadcasting System.
Kasabay ng paglago ng Target on Air sa himpapawid, lumipat ito sa bagong tahanan, ang DZME 1530 ng Capitol Broadcasting Center.
“Ang ating programa sa radyo ay nagbibigay ng iba’t ibang pananaw at boses na kinakailangan upang matugunan ang mga hamon na hinaharap nating lahat ngayong panahon ng pandemya,” wika ni Cayanong, isang batikang broadcast journalist.
Kung dati ay sa ere lamang napakikinggan si Ka Rex, dahil sa pamamayagpag ng internet ay mapapanood na rin ang kanyang programang Target on Air sa social media platforms tulad ng Facebook at YouTube dahilan upang maabot ang mas malawak na mga tagapakinig.
“Layunin nating maabot ang milyon-milyong mga kababayan sa buong mundo na walang access sa radyo o airwaves sa mga panahong ito dahil sa layo ng kanilang lokasyon,” dagdag ng beteranong mamamahayag.