PATAY ang isang trabahador habang sugatan ang isa pa nang bumagsak ang isang lumang tulay na nakatakda nang gibain dahil sa mga pinsalang dulot ng mga nakaraang lindol sa lungsod ng Digos, lalawigan ng Davao del Sur, dakong 12:00 ng tanghali nitong Sabado, 4 Setyembre.
Nabatid na parehong trabahador ng TSK Builders and Supply, contractor ng proyekto, ang namatay at nasugatan dahil sa pagbagsak ng Ebreo Bridge.
Ayon kay Dean Ortiz, Department of Public Works and Highways (DPWH) – Davao Public Affairs and Information Officer, bumagsak ang Ebreo Bridge, na itinayo noong 1960s, dalawang araw bago ang nakatakdang paggiba dito ngayong araw, 6 Setyembre, upang masimulan ang konstruksiyon ng ipapalit dito.
Aniya, sarado ang tulay sa mga sasakyan simula noong Mayo ng kasalukuyang taon.
Dagdag ni Ortiz, naghuhukay ang contractor sa isang dulo ng lumang tulay bilang paghahanda sa pagtatayo ng bagong tulay nang bumagsak ito.
Kinilala ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang namatay na biktimang si Joyco Failma, 30 anyos, ng Upper Panuntungan, lungsod ng Davao, at ang sugatang si Dexter Orapa, 37 anyos, ng Brgy. Santo Rosario, lungsod ng Digos.