HINDI nakaligtas sa kamatayan ang apat na construction workers matapos matabunan ng lupa sa isang construction site nitong Biyernes, 3 Setyembre, sa Sitio Naduntog, bayan ng Tiblac Ambaguio, lalawigan ng Nueva Vizcaya.
Kinilala ng pulisya ang mga namatay na biktimang sina Rafael Villar, 42 anyos, foreman, at John Retamola, 25 anyos, construction worker, kapwa residente sa bayan ng Villaverde; at Christopher Padua, 38 anyos, at Carlos Tome, pawang mga taga-Bayombong.
Nabatid na nasa construction site sa Sitio Naduntog, Brgy. Tiblac, sa nabanggit na bayan ang apat na biktima na ginagawa ang isang ‘slope protection wall’ nang maganap ang insidente.
Ayon sa pulisya, naghuhukay ang mga biktima upang masimulan ang konstruksiyon ng pader nang gumuho ang lupa at agad natabunan ang apat dakong 8:30 am nitong Biyernes.
Samantala, ayon sa ulat mula sa tanggapan ni P/Col. Ranser Evasco, provincial director ng Nueva Vizcaya PPO, narekober ng search and rescue team ang mga wala nang buhay na katawan ng mga biktima.
Dinala ang mga labi ng mga biktima sa Funeraria Gambito, sa bayan ng Bayombong, sa parehong lalawigan.
Lumabas sa imbestigasyon, naputol ang mga bahagi ng mga katawan ng tatlo sa mga biktima nang aksidenteng matamaan ng digger bucket ng backhoe habang hinuhukay ang gumuhong lupa.