NAGKAGULO at sumugod sa barangay upang magreklamo ang mahigit 1,000 benepisaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) dahil sa sinabing ‘pangongotong’ ng isang lady solon sa Quezon City.
Ayon sa mga benepisaryo, biktima umano sila ng korupsiyon ng isang halal na kongresista, imbes P7,518 ang kanilang makukuhang suweldo sa TUPAD ay naging P2,000 na lamang matapos kunin ng mga tauhan ng mambabatas ang P5,518.
Ayon sa isang residente ng QC, agad na kinakaltasan ng tauhan ng kongresista ang sahod ng mga benepisaryo ng TUPAD pagkatapos makuha sa mga remittance center.
Tinukoy ng mga benepisaryo, ang nasabing kongresista umano ay si Congw. Precious Hipolito Castelo, asawa ni Councilor Winnie Castelo.
Ilang beses na rin umanong nagpatawag ng meeting sa kanilang lugar ang tagakolekta ng mga pera na isang Castelo rin.
Wala pang pahayag ang nasabing kongresista ukol sa nasabing iregularidad.