UMAASA si Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman na mababayaran ang mga napinsala sa bakbakan ng mga sundalo at teroristang Maute matapos aprobahan ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukalang Marawi Compensation Act (House Bill 9925).
“Naubusan ng dahilan para patagalin pa ang pagpasa ng panukalang batas. Mahigit apat na taon na mula nang nilusob ng masasamang elemento ang Marawi. Mag-aapat na taon mula nang ideklara itong malaya mula sa kanilang impluwensiya,” ani Hataman, ang dating gubernador ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Kasama ni Hataman sa naghain ng panukula ay si Anak Mindanao Rep. Amihilda Sangcopan.
Naniwala si Hataman sa sinabi ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na maaaring maghanap ng mapagkukuhaan ng pondo upang maipatupad ang panukala.
Ani Hataman 127,000 pamilya o 360,000 katao na naapektohan ng Marawi siege ang naghihintay mabayaran.
“Sa numerong ito, mahigit 17,000 pamilya o 87,000 indibiduwal ang walang maayos na matirahan,” ani Hataman.
Sa ilalim ng panukala, babayaran ng gobyerno ang mga may-ari ng mga bahay at impraestrukturang nasira sa bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at terorista.
Aniya, ang ibabayad ay batay sa market value ng ari-arian sa pagtataya ng isang government financial institution na kinikilala ng Bangko Sentral ng Pilipinas.