HATAW News Team
UPANG matiyak na matututukan at masosolusyonan ang CoVid-19 pandemic sa Filipinas na kabilang sa pinakamasamang lagay sa buong Asya, hindi na dapat ang administrasyong Duterte o sinomang kandidato nila ang maupo sa Malacañang.
Ayon kay 1Sambayan convenor Neri Colmenares, nakita na ng publiko kung paano ang naging CoVid response ng administarsyong Duterte kaya kung ayaw nang maulit ang ganitong kapalpakan at ganitong uri ng kurakot ay hindi na dapat Duterte at kaanib nito ang iluklok sa puwesto.
Tinukoy nito ang bilyong overpriced pandemic deals na iniimbestigahan ngayon ng Senate Blue Ribbon Committee, lumutang na sangkot sa kuwestiyonableng kontrata ang malapit na kaibigan ni Pangulong Duterte na si dating presidential economic adviser Michael Yang.
Si Yang ang sinasabing nagpakilala kay Pangulong Duterte sa mga opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation, na nakakuha ng P8.7 bilyong kontrata para bumili ng medical supplies noong 2020 gayong may ilang buwan pa lamang nag-o-operate at may capital lang na P625,000.
Sinabi ni Colmenares na si Davao City Mayor Sara Duterte ay katulad din ni Pangulong Duterte. Aniya, sakaling maupo sa Malacañang ay ipagpapatuloy nito ang incompetence, corruption, at patayan gayondin, poproteksiyonan si Pangulong Duterte at iba pang opisyal ng pamahalaan para hindi maasunto sa korupsiyon.
Ang alkalde ay pinupuna din sa hindi maayos na CoVid response sa Davao City dahil mula buwan ng Mayo, hindi bumababa ang CoVid cases sa lalawigan.
Sa pinakahuling datos ng Department of Health (DOH) noong 28 Agosto ay 403 kaso ang naitatala araw- araw, triple ito sa 114 kaso noong 23 Agosto habang mataas din ang CoVid deaths.
Bukod sa incompetence, pinuna rin ni Colmenares ang pagsisinungaling ni Mayor Sara partikular sa hindi pagtakbo sa presidential election.
“Nagsisinungaling siya gaya ng kanyang ama noong 2015, matagal nang planado ang pagtakbo niya para sa 2022 Presidential elections. I don’t think Sara is being pushed to run, I think, she really wants to run. Lahat na lang may poster, all over daming poster ng Run Sara, Run. Di ako naniniwalang “pushed” ‘yan, planado ‘yan. Does she want to be president? Yes she wants to be president. Is it good for us to have her as president? No because she will just continue what her father started,” giit ni Colmenares.
“Worse, she will protect President Duterte and all those officials involved in corruption from prosecution. Do you want a president who will protect the guilty from prosecution. Sa dinami-rami na nilang sinabi on corruption, wala akong alam na nakulong sa ilalim ni President Duterte,” diin ni Colmenares
Sinabi ni Colmenares na hindi na dapat mapagdala ang publiko sa mga pangako ng mga Duterte, gaya umano ni Pangulong Duterte na sa 10 niyang sasabihin ay 20 ang hindi mo paniniwalaan kaya hindi na dapat naloloko pa ang taongbayan.
Minaliit din ng 1Sambayan ang pahayag ni Pangulong Duterte na walang mananalong oposisyon sa 2022 elections, giit ng grupo, malakas ang posibleng dayaan para paboran ang mga kandidato ng administrasyon dahil sila ang nakaupo sa puwesto ngunit kapag milyon na ang magsasalita sa pamamagitan ng kanilang boto ay mahirap na itong dayain.