INILUNSAD ng mga healthcare workers ang kanilang kilos protesta kahapon at tinawag itong National Day of Protest, sa labas ng Department of Health (DOH) Central Office sa Sta. Cruz, Maynila upang kalampagin ang kagawaran na ibigay sa kanila ang mga benepisyong matagal nang nakabinbin.
Suot ang kanilang mga PPE (personal protective equipment) habang bitbit ang mga plakard at mga latang walang laman, sama-samang kinondena ng mga healthcare worker ang pamahalaan sa hindi nito pagbabayad sa kanila ng kanilang CoVid-19 benefits.
Ayon kay Filipino Nurses United (FNU) National President Maristela Abenojar, bukod sa special risk allowance (SRA), hindi pa rin ibinibigay sa kanila ang kanilang hazard duty pay, life insurance, meals, accommodation, and transportation allowances; kompensasyon para sa mga health workers na nagkaroon ng mild, moderate, severe o critical CoVid-19; at ang kompensasyon para sa mga pamilya ng mga namatay na health workers dahil sa pandemya.
Dagdag ni Abenojar, sa inilabas na P311 milyon ng pamahalaan para sa SRA, tanging 20,000 health workers ang makikinabang dito, malayo sa kanilang bilang na 500,000.
Aniya, lahat ng mga healthcare worker ay nararapat na makatanggap ng SRA.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 o Republic Act No. 11494 “Bayanihan to Recover As One Act,” ang SRA ay ibibigay sa mga pampubliko at pribadong health workers na direktang nangangalaga sa pasyenteng may CoVid-19.
Isinisigaw din ng nagpoprotestang healthcare workers, itinuturing na frontliners simula nang magsimula ang pandemya noong 2020, ang pagbibitiw ni Health Secretary Francisco Duque III.
Pahayag ni Alliance of Health Workers (AHW) National President Robert Mendoza, tapos na ang deadline ng DOH sa pagbibigay ng kanilang SRA at nararapat na magbitiw si Duque at papanagutin sa kanyang pagwawalang bahala sa kalusugan at kaligtasan ng healthcare workers.
Ani Mendoza, hindi na ‘fit’ si Duque upang pamunuan ang DOH at kung may delicadeza siya, dapat ay bumaba na siya sa kanyang puwesto.
Gayondin, sinabi ni AHW Secretary General Benjamin Santos, ang kanilang kilos protesta ay sumisimbolo sa panawagan para sa katarungan.
Aniya, ang kanilang laban ay hindi lamang isyung pang-ekonomiya ngunit laban ito para sa katarungan dahil nilalabag ng DOH ang kanilang karapatang matanggap ang benepisyong itinakda ng batas.
“Sobra nang panloloko sa healthcare workers ang ginagawa ng mga ahensiyang ito ng gobyerno. Ang mga pangakong benepisyo ay laging napapako,” pahayag ni Jao Clumia ng St. Luke’s Medical Center Employees Association.
“Ang kalagayan ng healthcare workers ay maihahalintulad sa isang pasyenteng dinala sa emergency room pero iniwang nakahandusay hanggang mag-expire o mamatay,” dagdag niya.
Sinabi ni Abenojar, patuloy nilang ipaglalaban ang makatarungang sahod at mga benepisyo, pati ang makataong kondisyon sa pagtatrabaho.
Sa kabila man ng kanilang pinagdaraanan, patuloy ang pag-aalaga ng healthcare workers sa kanilang mga pasyente, dagdag ni Mendoza.