NASUGATAN ang isang 2-anyos bata nang tamaan ng buhawi ang pitong bahay sa mga bayan ng La Castellana at E.B. Magalona, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Biyernes, 27 Agosto.
Sa pahayag nitong Linggo, 29 Agosto, ni Dr. Zeaphard Caelian, hepe ng Provincial Disaster Management Program Division (PDMPD), nasira ang limang bahay sa Sitio Old Manghanoy, habang dalawang iba pa ang napinsala sa Sito Hiniwan sa Brgy. Manghanoy, sa bayan ng La Castellana, ayon sa ulat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
Ani Caelian, apektado ang anim na pamilyang may 18 kataong naninirahan sa mga napinsalang bahay na kinabibilangan ng dalawang senior citizen at siyam na mga menor de edad.
Tinatayang nagkakahalaga ng P50,000 ang mga pinsala sa impraestruktura sa bayan ng La Castellana ngunit walang naiulat na nasaktan sa insidente.
Samantala, sa bayan ng E.B. Magalona, bahagyang nasugatan ang isang 2-anyos bata nang tamaan ng buhawi ang kanilang bahay sa Brgy. Consing.
Ani Caelian, resulta ang buhawi ng malakas na hanging dala ng pag-ulan.
Nag-abot ng tulong pinansyal, pagkain at pangunahing pangangailangan ang pamahalaang lokal ng dalawang bayan sa mga apektadong residente.