PARA sa ilang personalidad, grupo at netizens, hindi na dapat patulan ang ‘pakulo’ ng mag-amang Duterte hinggil sa 2022 elections.
Sa isang tweet ay sinabi ni dating Supreme Court (SC) spokesperson Theodore Te na nagkukumahog ang ‘spinners’ para palabasin ang naratibo sa mga pahayag ng mga Duterte na independent si Sara at sila lamang ang pagpipilian ng taong bayan sa halalan at si Sara ang alternatibo sa kanyang ama.
“Spinners working OT. So the narrative now is that she’s independent (the subtext also is that they’re the only choice) and that she is an ‘alternative’? What’s that they say about the apple and the distance it falls from the tree?”
Sa Facebook post ng Pinoy Ako Blog, nakasaad na mistulang telenovela na patok sa DDS o Duterte Diehard Supporters ang isyu.
“Napanood ko na ‘yan. ‘Yung tatay na magsasakripisyo kuno para sa anak tapos ‘yung anak na aakuin na lang ‘yung hirap kasi pagod na ang tatay – ‘para sa bayan.’ Mas predictable pa kayo kaysa Probinsyano.”
“Tapos ending magyayakapan tapos magbabati. Tapos kakanta si Freddie Aguilar at Andrew E, tapos iiyak si Mocha sa sideline. Napanood na natin ito last 2016 e.”
Sinabi ni Renato Reyes, Jr., Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary-general na pakulo lamang ito ng mga Duterte upang manghula ang publiko kung sino talaga ang manok nila sa 2022 at upang maiiwas ni Pangulong Duterte ang anak sa kritisismo.
Puwede pa aniyang ituloy ni Pangulong Duterte ang vice presidential bid depende sa tantiya niya sa nakaambang kasong kriminal pagbaba niya sa puwesto.
“The regime is shamelessly playing politics at a time when a comprehensive response to the pandemic is desperately needed. It is a sickening display of self-interest over public welfare,” ani Reyes sa kanyang Facebook post. (ROSE NOVENARIO)