ISINUMBAT ni Pangulong Rodrigo Duterte na bayan ang nakinabang sa mga patayang naganap sa limang-taong mahigit na pagsusulong ng drug war ng kanyang administrasyon at hindi siya o ang kanyang pamilya.
May 40 minuto ang ginugol ng Pangulo para murahin ang mga kritiko ng kanyang drug war bukod sa naglitanya ng “accomplishments” ang ilang miyembro ng kanyang gabinete imbes tugon sa pandemya sa lingguhang “Talk to the People on CoVid-19” kamakalawa ng gabi.
“Pakinggan ninyo ako. Ipalagay na natin totoo ‘yang sinabi, ipagpalagay na natin totoo ‘yang sinabi ng human rights, p***** i** sinong nakinabang diyan? Ako? Ako ang nakinabang? Pamilya ko? Nakinabang sila diyan sa p***** i**** mga patay na ‘yan? Sino? Sinong nakinabang? Kayo, ang anak ninyo, ang bayan natin ang nakinabang,” anang Pangulo.
“Sino nalagay sa alanganin? Ako, pamilya ko, ‘yung buhay nila, gaganti ‘yang mga y*** na ‘yan. E hindi naman ako milyonaryo na may isa akong squad diyan sa likod nagbantay. Ako pa ang napoproblema ngayon, p***, ako. Ang nakinabang kayo, kayo mga Filipino sa totoo lang,” giit niya.
Ang pahayag ni Duterte ay tugon sa panawagan ng mga Amerikanong senador na humimok kay US President Joe Biden na kondenahin ang patuloy na paglabag sa karapatang pantao sa drug war ng Filipinas.
Tinukoy rin ng American solons ang pag-atake ni Duterte sa press, political opponents at human rights advocates.
Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines (UP) Third World Studies Center, dalawang tao kada araw ang napapatay sa drug war ni Duterte.
Sa datos ng gobyerno ay 293,841 drug suspects ang arestado habang 6,147 ang napatay sa 203,715 anti-illegal drug operations na isinagawa mula 1 Hulyo 2016 hanggang 31 Mayo 2021. (ROSE NOVENARIO)