NAPATAY ng isang Nigerian national ang isang tricycle driver nang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa Brgy. Lucao, lungsod ng Dagupan, lalawigan ng Pangasinan, nitong Lunes, 2 Agosto.
Kinilala ang biktimang si Dennis Razo, 41 anyos, residente sa Brgy. Lucao.
Ayon sa ulat, sakay ang biktima ng kanyang traysikel nang lapitan ang suspek na kinilalang si Emmanuelemeka Endukwe, 31 anyos, isang Nigerian national, at inalok na sumakay sa pag-aakalang isa siyang pasahero.
Imbes sumagot nang maayos, minura umano ni Endukwe si Razo na nauwi sa pagtatalo.
Sinugod ng suspek ang biktima, na kumuha ng tubong bakal sa kanyang traysikel upang pangdepensa sa kanyang sarili.
Nakuhang madisarmahan at maagaw ni Endukwe kay Razo ang tubo saka iniumpog ang biktima kaya siya bumagsak sa lupa.
Hindi pa nakontento, pinaghahampas ni Endukwe si Razo sa ulo gamit ang tubo hanggang hindi na gumalaw ang biktima.
Agad dinala ng mga awtoridad si Razo sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival, habang nasa kustodiya na ng pulisya si Endukwe.
Napag-alaman, sangkot din si Endukwe sa kasong direct assault noong Abril 2021.
Bukod dito, nakatala ang ilang reklamo laban sa suspek mula sa mga Filipino at mga Nigerian dahil sa kanyang ugaling mainitin ang ulo.