PANSAMANTALANG isinara sa mga tao at mga motorista ang isang tulay sa Brgy. Balabag, sa lungsod ng La Carlota, lalawigan ng Negros Occidental habang isinasagawa ang pag-aayos matapos bumagsak habang tumatawid ang tatlong sasakyan nitong Linggo, 1 Agosto.
Unang naiulat na naganap ang insidente sa Hacienda La Plata, Purok Bagumbayan, Brgy. Don Jorge L. Araneta, sa lungsod ng Bago, ngunit sa pag-uusap nina Bago City Mayor Nicholas Yulo at La Carlota City Mayor Dr. Rex Jalandoon, natukoy na wala ito sa talaan ng mga tulay sa ilalim ng lungsod ng Bago.
Nabatid na isang batang babae ang bahagyang nasaktan habang 15 ang nailigtas ng mga residente mula sa tatlong sasakyang tumatawid ng tulay.
Ayon kay P/Lt. Joseph Jaro, deputy chief of police ng Bago City, naka-convoy ang tatlong sasakyan mula Pontevedra, Negros Occidental patungong Brgy. Don Jorge L. Araneta para sa isang ministry event nang bumagsak ang tulay habang nasa gitna ang mga sasakyan.
Kabilang sa convoy ang isang Isuzu Crosswind na may sakay na anim katao at minamaneho ni Christopher Trupa; isang Hyundai Accent na minamaneho ni Anthony Ciocon; at isang Isuzu pick-up na minamaneho ni Ruel Magallanes, may sakay na anim na pasahero.
Ani Jaro, hindi na kaya ng tulay ang higit sa isang sasakyan dahil may pinsala na ito ngunit walang nakalagay kahit anong signage malapit dito na nagbababala sa mga motorista na huwag dumaan ang mga sasakyang lagpas sa nakatakdang bigat na kaya ng tulay.
Dagdag niya, nasugatan ang isang batang babae na tumatawid sa tulay nang mangyari ang insidente.
Dinala ang bata sa pagamutan na kalaunan ay pinauwi din.
Tumulong ang mga residenteng malapit sa tulay na mailabas ang mga pasahero mula sa kanilang mga sinasakyan.