IPINAGKIBIT-BALIKAT ng Palasyo ang panawagan ng 11 US Democrat senators kay US President Joe Biden na kondenahin sa pinakamataas na antas ang patuloy na “pattern of human rights abuses” sa ilalim ng administrasyong Duterte.
“Bahala na sila,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque sa usapin.
Ipinauubaya ni Roque kay Biden ang pagsagot sa panawagan ng mga Amerikanong senador.
“We leave that decision to President Joe Biden. Amerikano po ‘yan. In that same way na ayaw nating may nanghihimasok sa gawain ng Kongreso ng Filipinas, hindi natin sila panghihimasukan,” aniya.
“‘Yan naman ay personal na mga pananaw ng mga senador na Amerikano. Bahala na sila kung anong gagawin nila,” giit ni Roque.
Sa liham na ipinadala kay US Secretary of State Antony Blinken, tinuran ng mga senador ang pagkabahala sa human rights situation sa Filipinas at kinuwestiyon ang patakaran ng administrasyong Biden sa Filipinas at sa gobyernong Duterte.
Ang mga senador na umalma sa human rights situation sa bansa ay pinangunahan ni Senator Ed Markey, chairman ng US Senate Foreign Relations Subcommittee on East Asia and the Pacific.
Ipinunto niya, ang pagpapanatili ng bilateral relationship sa isang mahigpit na kaalyado gaya ng Filipinas ay dapat nakabatay sa “shared values” gaya ng “protection of human rights, including freedom of speech, freedom of the press, and vibrant democratic governance.” (ROSE NOVENARIO)