BULABUGIN
ni Jerry Yap
MARAMI na raw ‘nagigipit’ na mga empleyado at manggagawang panggabi…
Hindi po sila mga pangkaraniwang ‘night shift’ na after a month or 15 days ay magiging pang-umaga, sila po ‘yung mga nagtatrabaho sa KTV clubs.
Dahil sa hirap ng buhay ngayong may pandemya at wala nang ibang makuhang trabaho, buhay na buhay ngayon ang mga KTV club sa Roxas Blvd., Macapagal Blvd., at F.B. Harrison Ave., sa Pasay City.
Mukha lang raw nakasara sa harap at patay ang mga ilaw pero pag-ikot sa likod at pagpasok sa loob, nag-uunahan sa pagkislap ang mga ilaw-dagitab.
Parang mga tsikas, nag-uunahan din makakuha ng parokyano.
At hindi naman kaila sa lahat, sa panahon ngayon, sino lang ba ang can afford mag-goodtime?!
Siyempre, karamihan sa kanila ‘yung may mga magandang kita ngayon — mga dayuhang POGO workers.
Sabi ng ilan, okey lang ‘yan nakabubuhay ng ekonomiya.
May punto, pero kung itatago ang pagbubukas ng operasyon ng mga KTV club, paano mamo-monitor kung sumusunod sa protocol?!
Saka, kasama ba sa essentials ang KTV clubs?
At higit sa lahat, hindi ba klarong-klaro na puwedeng maging super spreader ng CoVid-19 Delta variant ang ilegal na pagbubukas ng mga KTV club?
Habang nag-iisip ang responsableng opisyal ng bansa kung paano tutugunan ang pandemyang dala ng CoVid-19, na lumalaon ay dumarami ang hindi maintindihang ‘Greek’ alphabet variants, nariyan naman sa Pasay City ang hindi mapakali at ‘guerrilla’ operations ng mga KTV club.
Siguro ang katuwiran nila, ‘di bale nang mamatay sa CoVid-19 huwag lang sa gutom.
Ang nakapagtataka, kung nakapag-o-operate ang mga KTV club diyan sa Pasay nang walang pag-aalinlangan, sino ang nagbigay ng basbas sa kanila?!
O kaya, kanino nakatimbre ‘yang mga ‘yan?!
Sino kaya ang makasasagot niyan, ang Pasay city hall ba o ang Pasay police?!
Kagabi, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Metro Manila (National Capital Region) ay mananatiling general community quarantine (GCQ) with heightened restrictions 1 Agosto hanggang 15 August 2021.
Exempted kaya riyan ang mga KTV club sa Roxas Blvd., Macapagal Blvd., at F.B, Harrison Ave., sa Pasay City?!
Sino kaya ang unang pipiyok?!
Abangan!
Para sa mga reaksiyon, suhestiyon, reklamo at sumbong, magtext sa 0977.705.22.31 o mag-email sa [email protected]. Para sa mga nakaraang isyu ng BULABUGIN please visit https://hatawtabloid.com