“PONDONG laan para sa mga health workers, ilabas mo na Gob Suarez!”
Posiblengtumaas ang bilang ng mga nangamamatay sa sakit na CoVid-19 sa lalawigan ng Quezon kung hindi ipalalabas ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Governor Danilo “Danny” Suarez ang pondong nailaan sa pasuweldo sa health workers at pambili ng medical supporting equipment.
Sa tala ng Department of Health (DOH), aabot na sa 700 kaso ng pagkamatay sa CoVid-19 samantala mahigit 16,000 ang infected ng nasabing virus.
Sa ilalim ni Suarez, ang lalawigan ang mayroong pinakamataas na bilang ng CoVid-19 infections at nagtala lamang ng 1.2% vaccination rate ang probinsiya kompara sa ibang lalawigan sa CALABARZON 4-A.
Sa panayam kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor Leader ng Sangguniang Panlalawigan ng Quezon sa programang Dos por Dos sa DZRH, sapat ang pondong inaprobahan ng kanilang lalawigan para sa pasuweldo sa mga regular at contractual employees ng Quezon. Bagamat re-enacted ang budget ng lalawigan, sasapat ang alokasyong P75.5 milyon noong 2020 na inaprobahan mismo ni Governor Suarez.
“Bagamat mas mababa ito sa P102 milyong inilaan para sa pasuweldo noong 2019, mayroong sapat na pera ang pamahalaang panlalawigan para tuloy-tuloy na makatanggap ng suweldo ang mga empleyado ng kapitolyo,” ani Ubana.
Ipapasa ng Sangguniang Panlalawigan ang 2021 panukalang badyet ng gobernador kung hindi natuklasan ng walong miyembro ng board ang mahigit P200-300 milyong mga proyekto na wala sa annual investment plan na ipinanukala mismo ni Governor Suarez at aprobado ng board.
Hindi rin aniya tugma ang panukalang 2021 budget sa isinapublikong layunin ni Suarez na maglaan ng mas malaking pondo para sa kampanya laban sa CoVid-19.
Sa budget ng gobernador, kinaltasan ng mahigit 20 porsiyento ang budget sa mga ospital at inilaan sa pagpapagawa ng mga kalsada at basketball courts.
Ayon kay Ubana, ginagawa ng walong board members ang kanilang sinumpaang tungkulin bilang mga halal na opisyal na protektahan ang pondong bayan.
Hindi umano naaayon sa direktiba ng Department of the Interior and Local Governments (DILG), maging ng Department of Budget and Management (DBM) na ipasa ng pamahalaang panlalawigan ang mga proyektong walang sapat na pag-aaral at pupuntahan.
Kailangang nabusisi at tiyak na nakasaad kung saan pupunta ang maski isang kusing na pondo ng mga mamamayan ng Quezon, ayon kay Ubana. (HNT)