HINDI na umabot nang buhay ang isang radio blocktime commentator nang barilin ng hindi kilalang suspek ilang sandali pagkatapos ng kanyang programa sa lungsod ng Cebu, mismong araw ng kapanganakan ng kanyang asawa, nitong Huwebes ng umaga, 22 Hulyo.
Ayon sa pulisya, walang nakakita kung sino ang bumaril sa biktimang kinilalang si Reynante “Rey” Cortes, sa labas ng estasyon ng dyRB sa Brgy. Mambaling, sa nabanggit na lungsod, dakong 9:00 am.
Dinala ang biktima sa Cebu City Medical Center (CCMC) ngunit idineklarang dead on arrival.
Ayon kay Cebu City Councilor Dave Tumulak, co-anchor ni Cortes sa programa, naganap ang pamamaslang habang pasakay ang biktima sa kanyang kotse upang umuwi sa kanilang bahay para ipagdiwang ang kaarawan ng kanyang asawa, isang news director sa ibang estasyon ng radyo.
Nagawang makatakbo sa kabilang bahagi ng sasakyan ang biktima upang magtago bago siya tuluyang nabuwal.
Bumuo ang Cebu City Police Office (CCPO) ng Special Investigation Task Group (SITG) upang mabilis na malutas ang kaso.
Ayon kay P/Maj. Dindo Alaras, hepe ng Mambaling Police Station, lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na binaril si Cortes sa kanyang likod at lumabas ang bala sa kanyang dibdib.
Dagdag ni Alaras, kasama ng biktima ang kanyang close-in aide nang maganap ang insidente ngunit hindi niya nakita ang suspek.
Bigong makarekober ng mga basyo ng bala ang mga nagrespondeng pulis sa pinangyarihan ng krimen.
Sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibilidad na sniper ang bumaril sa biktima.
Ayon sa close-in aide, may ilang kaalitan si Cortes.
Isa ito sa tinitingnan ng pulisya na maaaring makapagtukoy sa pagkakakilanlan ng mga suspek at ng motibo sa likod ng krimen.
Ani Alaras, bukod sa personal na alitan, tinitingnan din kung may kaugnayan sa kanyang trabaho ang pagkamatay ng biktima.
Samantala, inilarawan ni Tumulak si Cortes bilang isang hard-hitting commentator.
Ani Tumulak, dahil naglalabas ng kanyang komentaryo sa kanilang programa si Cortes lalo kung may ireguladidad na nagaganap.
Nabatid, nahatulan si Cortes sa kasong libelo noong 2017 dahil sa pag-uugnay sa ilegal na droga at asawa ni Cordova, Cebu Mayor Mary Therese Sitoy-Cho.