HINDI ligtas sa pananagutan si Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) kapag natuloy ang pagsisiyasat sa madugong drug war na isinulong ng kanyang administrasyon.
Nakasaad ito sa 101-pahinang desisyon ng Supreme Court kaugnay sa petisyon sa pag-alis ng Filipinas sa ICC.
Inatasan ng Korte Suprema ang administrasyong Duterte na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC, taliwas sa paninindigan ng gobyerno na hindi ito bahagi ng Rome Statute.
Sa desisyong iniakda ni Associate Justice Marvic Leonen, sumang-ayon ang SC na nananatili ang hurisdiksiyon ng ICC sa mga krimen na ginawa ng isang estado hanggang hindi pa opisyal na epektibo ang pag-alis.
Labing-apat na mahistrado, kabilang si dating chief Justice Disdado Peralta ang sumang-ayon sa desisyon.
“Whatever process was already initiated before the International Criminal Court obliges the state party to cooperate… Consequently, liability for the alleged summary killings and other atrocities committed in the course of the war on drugs is not nullified or negated here,” anang SC.
Matatandaan, nagpasya si Pangulong Duterte na bawiin ang pagiging kasapi ng ICC noong 2018, isang taon makaraang may naghain ng mga reklamo laban sa kanyang administrasyon at matapos ihayag ni dating top prosecutor Fatou Bensouda na bubuksan niya ang isang preliminary examination sa mga patayan bunsod ng drug war sa Filipinas.
Naging epektibo ang withdrawal ng Filipinas sa ICC noong Marso 2019.
Bago nagretiro noong nakalipas na buwan ay hiniling ni Bensouda sa pre-trial chamber ng ICC na payagan ang pagsisiyasat sa Duterte drug war dahil maaaring may naganap na crimes against humanity of murder sa pagpasalang sa mga drug suspect ng mga awtoridad.
Sinabi ni Bensouda, may nakita siyang sapat na batayan, batay sa isinagawang preliminary examination ng kanyang tanggapan sa mga kaso ng patayan bunsod ng Duterte drug war mula 1 Hulyo 2016 hanggang 16 Marso 2019. Naniniwala siyang dapat pagkalooban ng judicial authorisation upang ituloy ang imbestigasyon.
Nagbanta kamakailan si dating Sen. Antonio Trillanes IV na ihahatid si Duterte sa ICC kahit manalong bise presidente.
Inamin ni Pangulong Duterte na takot siya sa mga pagbabantang sasampahan ng kaso nina Trillanes, dating SC Senior Associate Justice kaya lalahok sa 2022 vice presidential race upang makaligtas sa asunto.
Ayon sa mga kapwa niya abogado, walang immunity sa demanda ang bise presidente ng Filipinas. (ROSE NOVENARIO)