TUMAKAS ang anim na persons deprived of liberty (PDLs) sa piitan ng himpilan ng pulisya sa bayan ng Malabang, lalawigan ng Lanao del Sur, nitong Miyerkoles, 21 Hulyo.
Ayon kay P/Maj. Timothy Jim Romanillos, hepe ng Malabang police, dakong 3:00 am nang may armadong kalalakihang nagtangkang salakayin ang estasyon ng pulisya ngunit agad nilang naitaboy.
Sinamantala ito ng mga nakapiit na suspek saka tumakas sa gitna ng kadiliman.
Ani Romanillos, nagkasa na sila ng manhunt operation upang masukol ang mga tumakas na preso.
Tumanggi siyang pangalanan ang mga tumakas ngunit sinabi niyang tungkol sa droga ang kanilang mga kasong kinasasangkutan.
Nag-utos na si Malabang mayor Tomas Macapodi sa mga opisyal ng mga barangay na tumulong sa pagtukoy sa kinaroroonan ng mga suspek.
Nakiusap din si Macapodi sa mga magulang at mga kamag-anak ng mga suspek na isuko ang mga kaanak sakaling magpunta sa kanila.
Tumutulong ang tropa ng 5th Marine Battalion Landing Team sa mga pulis upang matunton ang kinaroroonan ng mga pugante.