WALANG mangyayari sa puna ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Davao City Mayor Sara Duterte sa ginagawa nitong pag-iikot sa mga lalawigan gayondin ang pag-aakusa ng ilang kritiko na early campaigning laban sa presidential daughter hanggang walang inihahaing reklamo sa Commission on Elections (COMELEC).
Ito ang sinabi ng political analyst na si University Of the Philippines (UP) professor Ramon Casiple kaugnay ng maagang pangangampanya ni Mayor Sara.
Ayon kay Casiple, madaling makalulusot sa alegasyong early campaigning lalo at election season na, kaya payo niya, kung nais mapigilan ang ganitong isyu, mainam na maghain ng reklamo sa Comelec upang ito ay maaksiyonan.
“Kung walang gagawin at walang reklamo sa Comelec o sa DILG, masasabi nating wala rin silbi ang ganitong mga pagpuna ni Mayor Isko at ng mga kritiko,” paliwanag ni Casiple.
Matatandaan na nagpasaring si Mayor Isko sa mga politiko na nag-iikot sa mga lalawigan na kailangang kailangan ang kanilang presensiya sa kanilang mga siyudad para tututukan ang CoVid-19 response lalo at hindi pa naman panahon ng eleksiyon.
Si Mayor Sara ay nakatanggap ng mga pagbatikos dahil sa timing ng kanyang pagbisita kamakailan sa Cebu at Zambaoaga City gayondin ang pakikipagpulong kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa kabila na nangunguna pa rin ang Davao City sa mga lalawigan sa labas ng National Capital Region (NCR) na may mataas na CoVid-19 cases.
Nagbigay ng payo si Casiple sa mga nag-iikot na politiko na tiyakin nilang sumusunod sila sa itinatakdang health protocols para sa kaligtasan ng mga botante.
Ang payo ay ginawa ni Casiple kasunod ng lumabas na report na nahirapan lumabas si Mayor Sara matapos ang kanyang pakikipagpulong kay Mayor Beng Climaco sa Zamboaga City dahil sa rami ng taong naghihintay na nagnanais magparetrato kasama siya.
“May guidelines ang IATF sa pag-conduct ng campaign, madaling sabihin na sinusunod ito kaya ang concern ng lahat, dapat ang mga politiko ang dumistansiya, malaki ang roles ng mga politiko para hindi kumalat ang CoVid-19 sa panahon ng eleksiyon,” pahayag ni Casiple.
Iminungkahi ni Casiple na ang mga politiko ang bantayan sa pagsunod ng health protocols at kasuhan ang mga hindi susunod.