DISKONTENTO ang health workers sa lalawigan ng Quezon makaraang mabinbin ang kanilang mga suweldo pati ang medical equipment na kanilang ginagamit para sa pagpuksa ng pagkalat ng CoVid-19 sa probinsiya.
Ito’y sa kabila ng sapat na pondong nailaan para sa pasuweldo sa mga empleyado ng kapitolyo simula 2020.
Sa panayam kay Sonny Ubana, board member at Majority Floor leader ng Sangguniang Panlalawigan sa probinsiya ng Quezon, naglaan si Quezon governor Danny Suarez ng mahigit P75.5 milyon, pondo para sa pasuweldo at mga benepisyo ng mga empleyado ng lalawigan.
Ito ay mas mababa nang kaunti sa ginastos na P102 milyon noong 2019.
Ang pondo para sa pasuweldo at mga pangangailangan ng probinsiya ng Quezon ay naririyan at patuloy na naibibigay sa mga mamamayan sa kabila ng hindi pagpasa ng budget para sa 2021. May kabuuang P655 milyon ang pondo ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ni Suarez.
Ayon kay Ubana, hindi pumayag ang Sanggunian na ipasa ang 2021 budget makaraang matuklasan nila na mayroong mahigit 200 to 300 milyong pisong kuwestoyonableng budget items sa panukalang budget ng gobernador na wala sa Annual Investment plan na ipinasa ng lalawigan.
Kailangang tugma ang Annual Investment Plan o AIP na dumaan sa masusing pag-aaral ng provincial board at maging tanggapan ng gobernador at ang panukalang budget.
Sinabi ni Ubana, sa badget na nais ipasa ni Suarez, tinagpasan ng gobernador ang budget para sa mga pampublikong ospital ng mahigit 20% na kanyang inilipat sa road works, pagpapagawa ng mga basketball courts at iba pang impraestruktura.
Para sa mga miyembro ng provincial board, ang ginawa ni Suarez ay paglabag at hindi sang-ayon sa mismong pampublikong pahayag nito na maglalaan ng atensiyon ang panlalawigang pamahalaan sa pagsugpo ng CoVid-19.
Sinunod din ng provincial board ang direktiba ng Department of the Interior and Local Governments (DILG) na kailangang detalyado ang paglalaaanan ng pondo ng lalawigan at malinaw itong napag-aralan at nabusisi.
Palaisipan ngayon kung bakit hindi nakatatanggap ng karampatang suweldo at suportang pinansiyal ang health workers at frontliners sa kampanya laban sa CoVid-19.
Ginawaran na ng pondo ng Department of Budget and Management (DBM) ang lalawigan at nasa pangangasiwa ito ng tesorero sa ilalim ng tanggapan ni Quezon governor Suarez.