Resto bar ng kagawad front ng illegal gambling? (Sa Quezon City)
MAGSASAMPA ng kaso sa Office of the Ombudsman ang grupo ng concerned citizen laban kay Kagawad Barry Bacsa ng Barangay E. Rodriguez Sr., Cubao, Quezon City kaugnay sa sinabing pagkakaroon ng ilegal na sugal sa kaniyang resto bar.
Inakusahan ng grupo si Bacsa na ginagamit bilang front ng ilegal na sugalan ang pagmamay-ari nitong Barwen Resto Bar, matatagpuan sa Saint Mary St., ng nabanggit na barangay.
Ayon sa mga nagrereklamong residente, malakihan ang tayaan sa ilegal na online sabong kung kaya’t marami ang nalulubog sa utang sa kanilang lugar.
Putok din sa kanilang barangay ang umano’y dating ilegal na operasyon ni Bacsa ng sugal na colors game.
Idinagdag ng mga nagrereklamo na dati nang naipasara ang resto bar ni Bacsa noong buwan ng Mayo kaya malaking palaisipan sa kanila kung bakit muli itong nag-o-operate.
Kasabay nito, nananawagan ang mga residente kay Quezon City Police District Director P/BGen Antonio Yarra na aksiyonan ang problema sa kanilang barangay.
Umaasa ang grupo na hindi ipagwawalang bahala ng pulisya ang talamak na operasyon ng ilegal na pasugalan tulad ng bookies ng lotteng, ending at iba pa sa Baranggay E. Rodriguez, Sr.
Idinagdag nito na dahil pumutok na sa media ang operasyon ng ilegal na sugal sa kanilang lugar, hindi na umano nagkakaunawaan ngayon sina Kagawad Gener Tepang at Kagawad Bacsa.
Tiniyak ng grupo na hihilingin nila sa Ombudsman na isailalim sa lifestyle check si Kagawad Bacsa dahil sa kuwestiyonableng yaman kung pagbabasehan ang pagiging fruit dealer at negosyong resto bar nito.
Samantala, sa isang panayam, itinanggi ni Bacsa ang paratang na may online sabong sa pag-aari niyang resto bar gayondin ang akusasyon ng pagkakasangkot niya sa iba pang ilegal na gawain. Idinagdag niyang dati ay may OTB business siya ngunit nagsara sanhi ng epekto ng CoVid-19.
Itinanggi rin niya na kilala niya ang may-ari ng Manila Cockers Club, dating may online sabong ngunit ipinasara ng pamahalaang lokal ng Quezon City dahil sa kawalan ng business permit. (HATAW News Team)