VP Leni desmayado sa kareristang ‘big politicians’ (Sa gitna ng krisis sa CoVid-19)
HATAW News Team
HINDI man partikular na pinangalanan, pinatutsadahan ni Vice President Leni Robredo ang ‘malalaking politiko’ na dapat tutukan muna ang kaso ng CoVid-19 cases imbes pagtuunan agad ang maagang pamomolitika kaugnay ng eleksiyon sa Mayo 2022.
Nagpahayag ng pagkadesmaya si Robredo sa tinukoy niyang maling prayoridad ng mga kilalang government officials na ngayon pa lamang ay nag-iingay na para sa kanilang sariling karera at para sa kanilang partido.
“Nakikita mo ‘yun ngayon, ‘yung malalaking politiko, may eleksiyon man o walang eleksiyon, eleksiyon pa rin ang nasa isip. Nalulungkot lang ako,” pahayag ni Robredo.
Ayon kay Robredo, habang patuloy ang paglobo ng kaso ng CoVid-19 sa bansa, dapat ay mas tumutok ang mga politiko sa pagtugon sa pandemya at hindi sa national election.
“I hope that politicians would focus on what matters most — to lessen the blow of the virus and help Filipinos survive the pandemic,” dagdag ni Robredo.
Nitong mga nagdaang araw, patuloy ang iringan sa loob ng partido ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinakahuli ang pagsibak ng PDP Laban sa sarili nitong Vice President na si Energy Secretary Alfonso Cusi, secretary-general Melvin Matibag, at Membership Committee head Astra Naik dahil sa lantarang pagsuporta sa presidential candidacy ni Davao City Mayor Sara Duterte na isang party outsider.
Iginiit ni PDP-Laban President Emmanuel “Manny” Pacquiao, guilty sa disloyalty ang tatlo dahil sa pagsuporta kay Mayor Sara sa 2022 elections kaya bukod sa pagsibak sa kanila ay bubuo rin ng investigation committee ang partido para tukuyin ang iba pang party members na lumalabag sa kanilang Constitution and By-Laws sa pamamagitan ng hayagang pagbibigay suporta sa ibang partido.
Si Mayor Sara ay mula sa partidong Hugpong ng Pagbabago.
Ang Davao na pinamumunuan ni Mayor Sara at apat pang siyudad sa Mindanao, ang tinukoy na may pinakamataas na CoVid-19 cases sa labas ng National Capital Region.
Sa pinakahuling OCTA Research List, base sa datos na nakuha sa Department of Health (DOH), nasa 90% o very high ang hospital intensive care unit utilization rate (ICUUR) sa Davao at nasa 303 cases ang naitatala araw-araw.
Ang Davao City ay nanatiling nasa klasipikasyon ng high-risk area para sa CoVid-19 mula pa noong buwan ng Mayo.
Bukod sa Davao, kabilang sa high risk areas ang Bacolod, Iloilo, General Santos, Cebu, Baguio, Cagayan de Oro, Tagum, Calamba, at Butuan.