TINAPOS ng isang lalaki ang kanyang buhay nang magbigti sa loob ng sariling bahay matapos tangkaing painumin ng lason sa daga ang kanyang apat na anak sa Purok 3, Brgy. Abra, lungsod ng Santiago, lalawigan ng Isabela, nitong Biyernes, 9 Hulyo.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office 2, natagpuang wala nang buhay ang biktimang si Jayson Lastimosa, 39 anyos, may nakataling lubid sa kanyang leeg sa loob ng kanilang bahay.
Sa imbestigasyon ng Santiago City police, bago ang insidente ay sumulat pa ng isang ‘suicide note’ ang biktima na nagsasabing ang kanyang asawang overseas Filipino worker (OFW) ay nangangalunya.
Nabatid na noong Huwebes, 8 Hulyo, tinipon ng ama ang kanyang apat na mga anak sa kanilang bahay at pinilit painumin ng tubig na may lason sa daga dakong 1:00 ng madaling araw noong Biyernes, 9 Hulyo.
Nagawa umanong makatakbo palabas ng kanilang bahay ang kanyang panganay na anak upang humingi ng tulong sa kanilang mga kapitbahay.
“Marahil sobra nang na-depress sa problema niya sa asawa,” pahayag ng isang kapitbahay.
Makalipas ang isang oras, sumilip ang bayaw ni Lastimosa sa kanilang bahay at doon na niya nakitang nakalambitin na ang biktima mula sa kisame.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng mga kamag-anak ang apat na anak ng biktima, ayon sa pulisya.