TUMIMBUWANG kapwa ang dalawang bodyguard ng isang negosyante nang magduwelo sa gitna ng isang ‘team building activity’ sa loob ng isang resort sa Brgy. 4, lungsod ng Sipalay, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Sabado, 10 Hulyo.
Kinilala ni P/Maj. James Latayon, hepe ng Sipalay City police, ang mga nagpatayan na sina Fernando Silanga, 46 anyos, ng lungsod ng Taguig; at Gary Labrador, 46 anyos, ng lungsod ng Bago, sa nabanggit na lalawigan.
Ayon kay P/Maj. Latayon, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sina Silanga at Labrador sa gitna ng kanilang team building sa isang resort sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na tinangkang awatin ng kanilang mga kasamahan ang dalawa ngunit dahil parehong nakainom ng alak ay lalong uminit ang mga ulo at pinaputukan ng baril ni Labrador si Silanga na gumanti din ng putok.
Kapwa tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng kanilang mga katawan ang dalawa na naging sanhi ng kanilang kamatayan.
Agad binawian ng buhay si Labrador habang idineklarang dead on arrival sa pagamutan si Silanga.
Narekober ng pulisya mula sa pinangyarihan ng insidente ang mga basyo ng bala ng mga kalibre .45 at 9mm baril, ngunit hindi natagpuan ang mga baril na ginamit ng dalawa.
Samantala, naharang ng mga awtoridad ang isang van na nagsasakay ng mga kasamahan ng dalawa sa Cauayan, Negros Occidental.
Ani Latayon, inimbitahan nila ang mga sakay ng van sa kanilang himpilan para sa imbestigasyon ngunit itinanggi nilang may partisipasyon sila sa krimen.
Patuloy na nagsisiyasat ang pulisya upang matukoy kung may alitan at samaan ng loob sa isa’t isa ang dalawang nasawing bodyguard.