Nonoy Espina emergency fund for media workers itinatag ng NUJP (Abuloy, donasyon ipinagkaloob ng pamilya)
SA PAGLULUKSA ng mga mamamahayag sa buong bansa, dahil sa pagpanaw ni Jose Jaime “Nonoy” Espina, dating tagapangulo ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), inihayag ng kanyang pamilya kahapon, ang lahat ng abuloy at donasyon para sa kanya, ay kanilang ipagkakaloob bilang pondo para sa kalusugan at kagalingan ng mga mamamahayag at iba pang media workers.
Nitong Miyerkoles, 7 Hunyo, si Nonoy ay pumanaw dahil sa liver cancer, sa kanyang lupang sinilangan, sa Bacolod City.
“We know so many colleagues live under precarious economic conditions, with no tenure and often, with little social benefits,” pahayag ng kapatid ni Nonoy na si Inday Espina-Varona, sa kanyang Facebook post.
Sa isinagawang survey ng NUJP nitong Marso 2021, 15% ng mahigit 200 mamamahayag sa buong bansa ay hindi nakatatanggap ng sapat na suweldo.
Sa panahon ng pandemya, mas lalong nalantad sa mahinang ekonomiya ang mga mamamahayag at iba pang media workers, at marami sa kanila ay nawalan ng kakayahang magpagamot kapag nagkakasakit.
“Pagtibayin natin ang hanay to fight for better wages and work conditions,” ayon sa kapatid ni Nonoy na si Inday, isang beteranong mamamahayag din.
“But let us let Nonoy spark us into doing the practical. Ambag ambag tayo para sa kapatirang mamamahayag.”
Mainit na tinanggap ng NUJP Board of Directors ang alok ng pamilya Espina, dahil iyon din umano ang hangarin ni Nonoy noong nabubuhay pa.
Lagi siyang nag-aalala sa kalagayan ng mga kapwa mamamahayag lalo na ‘yung mga kabaro na laging nangangailangan ng tulong.
Katunayan, nang maglunsad ang NUJP ng fund raising activity noong nakaraang buwan, hindi pumayag si Nonoy na para lang iyon sa kanya, dahil may mga kasamahan pa umanong nangangailangan ng tulong.
Kahapon, pormal na inihayag ng NUJP ang pagkakatatag ng Nonoy Espina Emergency Fund for Media Workers bilang pagkilala sa mga ambag niya sa organisasyon, sa buong industriya, at ang walang pag-aatubiling pagtatanggol sa mga mamamahayag mula pa noong panahon ni Marcos hanggang sa Duterte administration.
“Magandang paraan ito ng pagbibigay pugay kay Chair Nonoy at sa pagpapatuloy ng pagmamalasakit niya at ng unyon sa mga kapwa mamamahayag,” ani NUJP Chairperson Jonathan de Santos.
“Kahit minsan parang tayo-tayo na lang ang nagtutulungan, malaking bagay pa rin na kaya at handa tayong gawin ito para sa isa’t isa,” dagdag ni De Santos
Ihahayag ng NUJP ang magiging guidelines sa mga susunod na araw.
Sa mga nais magkaloob ng donasyon maaaring ipadala sa:
National Union of Journalists of the Philippines
Metrobank Kamuning
229-7-229-50756-3
Jhoanna Paola Ballaran
GCash/Paymaya
09617626684