Bumagsak na C-130H 5125 ‘isasalang’ sa senado
IIMBESTIGAHAN ng Senado ang naganap na pagbagsak ng PAF C-130H 5125 sa Patikul, Sulu na ikinamatay ng 47 sundalo at tatlong sibilyan.
Nauna rito, ipinaabot ng mga Senador ang kanilang pakikidalamhati sa pagkamatay ng mga sundalo sa naganap na pagbagsak ng C-130H 5125 na umabot sa 50 katao ang namatay.
Ayon kay Sen. Francis Pangilinan, dapat maimbestigahan ang naging sanhi ng pagbagsak ng eroplano at gumawa ng paraan upang maiwasang maulit ang nasabing trahedya.
“Talaga namang nakapanlulumo ang insidenteng ito sa mga sundalong Filipino na sinusuong ang pagiging frontlines para magampanan ang kanilang tungkuling ipagtanggol at paglingkuran ang kanilang kapwa,” ani Pangilinan.
Ganoon din, iginiit ng Senador, dapat magkaroon ng mas maayos na kagamitan at hardware para mapanatiling ligtas ang paglipad ng mga sundalo.
Nabatid na ang PAF C-130H 5125 ay galing sa isla ng Jolo nang mag-overshoot dakong 11:30 am kahapon.
Napag-alamang karamihan sa mga pasahero ng eroplanong pangmilitar ay mga bagong graduate ng basic military training at katatalaga pa lamang sa isla bilang bahagi ng joint task force kontra terorismo sa rehiyon.
Ginagamit ang C-130 aircraft sa pagbibiyahe ng mga tropa ng militar at kanilang mga kagamitan, pati sa paghahatid ng humanitarian assistance at disaster relief.
Bago ang insidente, bumagsak ang isang Black Hawk helicopter noong 23 Hunyo sa gitna ng night-time training flight, na kumitil sa buhay ng anim nitong sakay, pawang sundalo.
Bumili ang pamahalaan ng 16 multi-role aircraft mula sa isang Polish firm sa ilalim ng Sikorsky division ng US defense manufacturer Lockheed Martin. Labing-isa rito ang naipasok na sa bansa noong huling bahagi ng 2020.
Ang nag-overshoot na C-130 aircraft ay isang refurbished unit na dinala sa bansa noong Enero 2021.
Ipinaabot ni Pangilinan ang kanyang pakikiramay sa naiwang pamilya ng mga sundalong namatay sa pagbagsak ng eroplano.
Nakikiramay si Sen. Risa Hontiveros sa naiwang pamilya ng mga biktima ng C-130H plane crash.
“I extend my sincerest condolences to the bereaved families of the victims of the C130H plane crash in Sulu. Our hearts and prayers are with them during this difficult time.
Pabor din ang Senadora na isagawa ang imbestigasyon sa lalong madaling panahon.
Nauna rito, inihayag ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief, General Cirilito Sobejana, ang 47 sa mga nasawi ay sundalo habang ang tatlo ay sibilyan.
Bukod sa mga nasawi, 49 military personnel at apat na sibilyan ang nasugatan.
Nabatid na 92 katao ang sakay ng C-130 kabilang rito ang tatlong piloto at lima pang crew members.
Sa ngayon, inaalam ng mga awtoridad ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano.
Samantala, hinihintay ni Senador Ronald dela Rosa ang resulta ng mga unang imbestigasyong ginawa upang matukoy kung mayroong kapabayaan sa insidente o sino ang maaaring panagutin sa naganap na trahedya.
Bago ang insidente, bumagsak ang isang Black Hawk helicopter noong 23 Hunyo sa gitna ng night-time training flight, na kumitil sa buhay ng anim nitong sakay, pawang sundalo.
Bumili ang pamahalaan ng 16 multi-role aircraft mula sa isang Polish firm sa ilalim ng Sikorsky division ng US defense manufacturer Lockheed Martin. Labing-isa rito ang naipasok na sa bansa noong huling bahagi ng 2020.
Ang nag-overshoot na C-130 aircraft ay isang refurbished unit na dinala sa bansa noong Enero 2021.
(NIÑO ACLAN)