DALLAS – Matindi ang kinakaharap na misyon ng Dallas Mavericks sa pagsungaw ng offseason ng NBA dahil target nilang masungkit sina Kawhi Leonard at Mike Conley sa free agency para lalong mapalakas ang team.
Sa naging episode ng Hollinger & Duncan NBA Show, binanggit ni John Hollinger na ang Mavericks ang “team to watch’ na interesado kay Mike Conley sa free agency.
Pag-aagawan tiyak si Conley sa free agency, kaya ang presyo niya ay tiyak din na lolobo. At ang tanong ngayon ay kung kaya kayang pantayan ang itataas nitong market value ng Utah Jazz na kung saan siya naglaro nitong kasalukuyang season.
Ang Jazz ay handang ibigay ang nararapat sa isang manlalaro para hindi matangay ng ibang team. Pero ang malaking tanong ngayon ay kung kakayanin ba nila ang magiging presyo ni Conley base sa natitira nilang budget dahil sa dami ng superstars?
Bukod kay Conley, tutok din ang Dallas kay Kawhi Leonard sa free agency na makakakompetensiya nila ang Miami Heat.
“The Mavericks and Heat plan to make a hard push to acquire Leonard, league sources say. The Knicks will also pursue any superstar that becomes available, and a long list of other suitors would at least make an attempt if he hits the market. Who wouldn’t want a 30-year-old two-time Finals MVP still performing at an All-NBA level?”
Sa pananaw ng mga miron sa NBA, malaki ang potensiyal na lumanding si Leonard sa Mavs para makabuo ng ‘dynamic duo’ ang team kapag nagsama sina Luka Doncic at Kawhi. Pero ang tanong lang ay kung kursunada ba ni Kawhi na makasama si Doncic?
Isa pang pinagbabatayan ng mga miron kung bakit malaki ang posibilidad na lumanding sa Mavs si Kawhi dahil sa magandang relasyon nito sa bagong Mavericks general manager Nico Harrison nang nagkasama sila sa promotion ng Nike.