HATAW News Team
UMABOT sa 45 katao ang namatay sa C-130H 5125 ng Philippine Air Force na pinaniniwalaang sumablay sa paglapag sa lalawigan ng Sulu nitong Linggo ng umaga, 4 Hulyo.
Ang nasabing military plane ay may sakay na 92 katao, 42 ay mga sundalo, at tatlo ay mga sibilyan, habang patuloy pang pinaghahanap ang limang sundalong nawawala.
Samantala, naitalang sugatan ang 49 sundalong kabilang sa mga pasahero ng C-130 plane at apat na sibilyan sa lugar na pinagbagsakan nito.
Ayon sa Department of National Defense, 32 ang dinala sa Zamboanga habang 17 ang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ng 11th Infantry Division.
Patuloy rin ang pagsasagawa ng rescue and retrieval operations sa pagbagsak ng eroplanong may sakay na 92 katao, ayon kay DND Secretary Delfin Lorenzana.
Pahayag ni Col. Edgard Arevalo, walang indikasyon ng anomang pag-atake ngunit iimbestigahan pa rin ang insidente matapos ang rescue operation.
Ayon kay Maj. Gen. William Gonzales, palapag na ang Lockheed C-130 Hercules military plane sa isla ng Jolo nang mag-overshoot dakong 11:30 am kahapon.
Napag-alamang karamihan sa mga pasahero ng eroplanong pangmilitar ay mga bagong graduate ng basic military training at katatalaga pa lamang sa isla bilang bahagi ng joint task force kontra terorismo sa rehiyon.
Ginagamit ang C-130 aircraft sa pagbibiyahe ng mga tropa ng militar at kanilang mga kagamitan, pati sa paghahatid ng humanitarian assistance at disaster relief.
Bago ang insidente, bumagsak ang isang Black Hawk helicopter noong 23 Hunyo sa gitna ng night-time training flight, na kumitil sa buhay ng anim nitong sakay, pawing sundalo.
Bumili ang pamahalaan ng 16 multi-role aircraft mula sa isang Polish firm sa ilalim ng Sikorsky division ng US defense manufacturer Lockheed Martin. Labing-isa rito ang naipasok na sa bansa noong huling bahagi ng 2020.
Ang hinihinalang nag-overshoot na C-130 aircraft ay isang refurbished unit na dinala sa bansa noong Enero 2021.