NAGSIMULA nang lumikas ang mga residente sa ilang bayan sa lalawigan ng Batangas malapit sa Bulkang Taal isang araw bago ang pinakahuli nitong ‘phreatomagmatic eruption’ nitong Huwebes, 1 Hulyo.
Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) ng Agoncillo, Batangas, walang forced evacuation na ipinatupad sa kanilang bayan maliban sa dalawang barangay na nasa seven-kilometer danger zone —ang mga barangay ng Banyaga at Bilibinwang.
Inoobserbahan ang seven-kilometer danger zone matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 Bulkang Taal.
Sa kanilang naunang bulletin, inirekomenda ng Phivolcs ang paglilikas sa ilang mga barangay sa Laurel, Batangas.
“Sa ngayon po ay wala po tayong puwersahang pagpapalikas sa 19 barangay maliban na lamang po sa dalawang barangay na malapit at sakop po ng 7 Kilometers Danger Zone mula sa isla o pulo kung saan sakop nito ang Brgy. Banyaga at Brgy. Bilibinwang. Sa atin pong mga kababayan, nasa sa atin pa rin po ang pagpapasya kung tayo po ay kusang lilikas para na rin sa kapanatagan ng ating kalooban at kaligtasan,” pahayag ng MDDRMO ng bayan ng Agoncillo.
Makikita sa mga larawang ini-upload sa social media ang mga residente mula sa Laurel, Batangas na sumasakay sa mga truck na magdadala sa kanila palabas ng seven-kilometer danger zone.
Nagtalaga ang Philippine Red Cross ng kanilang mga tauhan upang mailikas ang mga residente mula sa mga mapanganib na lugar.
Samantala, sinabi ni Batangas Governor Hermilando Mandanas sa briefing ng Phivolcs na naka-standby ang kanilang evacuation areas at mga tauhan kung sakaling kailanganing maglikas ng mga residente sa ibang mga bayan.
“Ang atin laging first choice, at ang lagi namang matulungin ay ‘yong public schools, marami naman tayong public schools. Kaya ‘yon ang laging immediate na ginagamit, gayon din ang mga simbahan, lagi rin silang open sa ganyan,” ani Gob. Mandanas.
“Sa ngayon, ‘yong mga order ng mga evacuation, ‘yan ay dapat ginagawa ng ating Department of Environment dahil protected area na ‘yan, sila na ang may control and my administration, pero ang lalawigan ng Batangas lagi din nakahanda, sinasabi ko nga nagpadala na kami ng mga transportation in case of evacuation na kailangan talaga,” dagdag niya.
Pasado 3:00 pm kahapon, nagbuga ang bulkang Taal ng volcanic plume na may taas na halos isang kilometro. Dito naobserbahan ng mga seismologist ang magmatic intrusion malapit sa bunganga nito.