HATAW News Team
WALANG nakikitang masama si Cagayan de Oro (CDO) Rep. Rufus Rodriguez kung humingi man ng assistance ang local governmemt units (LGUs) sa Visayas at Mindanao kay Vice President Leni Robredo para mapalawig sa rehiyon ang kanyang programang CoVid-19 Vaccine Express.
Sa panayam ng RMN network kay Rodriguez, ipinaliwanag niya na kapakanan ng mga residente ang prayoridad at hindi dapat pairalin ang politika.
Aminado si Rodriguez, mahusay na ideya ang express o drive thru vaccine initiatives ni Robredo kaya nagpasaklolo siya sa Office of the Vice President (OVP) para mapabilis ang pagpapabakuna sa mga probinsiya.
Aniya, kung sa Maynila ay nasa 600,000 ang nabakunahan, sa Cagayan de Oro ay nasa 70,000 pa lamang habang mas mababa pa sa ilang probinsiya.
“Walang politika dito because cases in Cagayan de Oro is still very high, Davao City is still very high same with Zamboaga, Butuan City in Mindanao, Iloilo and Bacolod City in Visayas and Albay in Bicol,” paliwanag ni Rodriguez.
“I asked VP Leni pero walang politika dito,” giit ni Rodriguez.
Aniya, obligasyon ng LGUs na makakuha ng bakuna para sa kanilang constituents at nakita niya ang pagkakataon sa programa ni Robredo.
Taliwas sa pananaw ni Rodriguez, sa naunang naging pahayag ni Davao City Mayor Sara Duterte, minasama ng alkalde ang suhestiyon ni Robredo na gayahin ng Davao City ang CoVid-19 approach ng Cebu City.
Ani Robredo, mas malaki ang populasyon ng Quezon City ngunit nangunguna ang Davao City sa mga LGU na may mataas na naitatalang kaso ng CoVid kada araw.
“The Vice President should refrain from giving advice if she knows nothing about what is happening on the ground,” nauna nang pahayag ni Mayor Duterte, at sinundan ng kulang sa pang- unawa at kaalaman si Robredo at walang maitutulong para maresolba ang problema.