HABANG naka-‘live’ sa kanyang Facebook account, sinunog ng isang 18-anyos lalaking lango sa alak, ang bahay ng kanyang ina, matapos magalit sa kanyang kinakasama nang ayaw padedehin ang kanilang tatlong-buwang gulang na anak nitong Biyernes, 26 Hunyo, sa Brgy. Abognan, sa bayan ng Taytay, lalawigan ng Palawan.
Ayon kay Fire Officer 3 Ericson Fernandez ng Taytay Municipal Fire Station, nakipagtalo ang suspek na kinilalang si Raymond Estrosas sa kanyang kinakasama, isang gabi bago ang insidente.
Napuno umano ang babae at nagpasundo sa kanyang ama na iniuwi siya noong Biyernes upang makaiwas sa galit ni Estrosas.
“Pero bago ‘yan, may maliliit na away pa before. Kaninang umaga, sinundo na ng tatay ang babae at iniuwi na sa bahay nila,” ani Fernandez.
Dahil sa sama ng loob at pagkadesmaya, naglasing ang suspek at unang sinunog ang bahay ng kanyang sariling ina, kung saan sila nanunuluyan ng kanyang kinakasama dakong 9:00 am noong Biyernes.
Inawat siya ng kanyang tiyahin kaya napigilan ang tuluyang pagkatupok sa apoy ng bahay at ilang kagamitan ang nasira.
Ngunit tatlong oras makalipas ang unang insidente, tuluyan nang sinunog ng lasing na si Estrosas ang kanilang bahay na kinunan niya ng video.
Wala nang nakapigil kay Estrosas dahil binabantaan niya ang sinumang lalapit sa kaniya.
Dinakip si Estrosas habang hinihintay ang desisyon ng pamilya kung sasampahan siya ng kasong arson na may parusang habambuhay na pagkakabilanggo.
“Mataas pa kasi ang emosyon ng nanay sa ngayon, mag-uusap pa silang pamilya, dahil ang arson kasi ay habang buhay na pagkabilanggo ‘yan. So maghihintay lang kami,” dagdag ni Fernandez.
Tinatayang aabot sa P35,000 hanggang P40,000 ang halaga ng napinsalang ari-arian dahil sa pagsusunog ng suspek.