NASAKOTE ang isang 25-anyos lalaking hinihinalang hindi awtorisadong magbenta ng mga gamot mula sa China na pinaniniwalaang gamot sa CoVis-19 sa lungsod ng Cebu, nitong Biyernes, 25 Hunyo.
Kinilala ang suspek na si Matthew Louis Christopher Ngo Po, sa isang buy bust operation na ikinasa ng mga operatiba ng Regional Special Operations Group (RSOG) nitong Biyernes ng hapon, sa Brgy. Apas, sa nabanggit na lungsod.
Narekober mula kay Po ang kahon-kahong Lianhua Qingwen Jiaonang na tinatayang nagkakahalaga ng P200,000.
Bagaman aproado ng Food and Drug Administration (FDA), maaari lamang makabili ng gamot mula sa China kung may reseta ng doktor.
Bukod sa mga nasasam na gamot, kompiskado rin mula sa suspek ang mga Lungene rapid test kit.
Ayon kay P/Maj. Glenn Hife, hepe ng RSOG 7 (Central Visayas), sinimulan nilang manmanan si Po nang may magbigay sa kanila ng tip na ibinebenta niya ang mga gamot online.
Ani Hife, nakipagtransaksiyon sila kay Po at umorder ng P200,000 halalaga ng gamot mula sa kanya.
Ipinakuha ng suspek sa poseur-buyer ang mga gamot sa kanyang bahay kung saan siya inaresto kalaunan.