INIANUNSIYO ni San Juan City Mayor Francis Zamora nitong Miyerkoles, 23 Hunyo, tuloy ang pagdiriwang ng lungsod ng taunang Wattah Wattah Festival ngayong araw, 24 Hunyo, sa gitna ng pandemyang CoVid-19 liban sa tradisyonal na basaan sa mga dumaraan at mga motorista.
Nilagdaan ni Zamora ang Executive Order No.84 na nagbabawal sa tradisyonal na basaan sa pagdiriwang ng pista upang maiwasan ang banta ng kontaminasyon at mapigilan ang posibleng pagkalat ng virus, gaya ng ginawa ng LGU noong nakaraang taon.
Sa halip, ipaparada sa mga kalye ang imahen ni San Juan Bautista, ang patron ng lungsod, kasama ang mga pari upang mabendisyonan ang mga mananampalatayang residente ng San Juan.
“Bukas na po Hunyo 24, Huwebes, ang pinakaaabangang selebrasyon sa ating lungsod, ang kapistahan ni San Juan Bautista. Ngunit dahil nasa gitna pa rin po tayo ng pandemya, ay isang taimtim na “Basbasan Sa Makabagong San Juan” ang ating isasagawa imbes ‘Basaan,’” ani Mayor Zamora kahapon.
Pinayohan din ng pamahalaang panlungsod ang mga residente na manatili sa kanilang mga bahay o bakuran upang masaksihan ang parada at pagbebendisyon.
Gayondin, kailangan sundin ang physical distancing at pagsusuot ng facemasks habang sinasaksihan ang parada.