NAKATAKDANG lumarong muli si Gabrielle Ordiz Nuqui ng Barangay Mawaque, Mabalacat City, Pampanga sa paglarga ng Grandfinals ng National Age Group Chess Championships sa Hunyo 26 hanggang 30, 2021 sa Tornelo platform.
Si Nuqui, 13, grade 7 pupil ng Mawaque High School sa Mabalacat City, Pampanga ay inaasahan na magpapakitang-gilas sa chess pagkaraang makapasok sa main draw.
Sa pangangalaga ng Golden Land Chess Club at ni sportsman Hans Christian Balingit ay sasabak nang husto si Nuqui sa mga bigatin at kilalang woodpushers sa Under 14 category na kinabibilangan nina National Master (NM) Mark Jay Bacojo ng Dasmarinas City, Cavite, Arena Grandmaster (AGM) Fletch Archer Arado ng Zamboanga City and Arena Grandmaster Christian Gian Karlo Arca ng Panabo City, Davao del Norte at iba pang qualifier.
Nasa matinding pagsasanay si Nuqui sa paggabay ng kanyang coaches at trainers na sina Robert Halili, Rusby Salalila, Jeffrey Pascual, John Gregorio, Eugene Dimarucut at Jewello John Vegafria.
Si Nuqui ang Brainy Chess Academy Under 18 Champion at Number 1 Player sa Mabalacat City, Pampanga.
Tatayo naman si Gabriel Prevandos ng Angeles City, Pampanga bilang Hybrid Tornelo Arbiter sa nasabing chessfest, na inorganisa ng National Chess Federation of the Philippines sa pakikipagtulungan ng Philippine Sports Commission at ng Philippine Olympic Committee.