LUMARGA ang morale ng Gilas Pilipinas nang makapagmarka ng tatlong sunod na panalo sa FIBA Asia Cup Qualifiers final window nitong Linggo sa Clark bubble.
Kasama na ngayon sa ensayo si Kai Sotto sa Gilas Pilipinas at handang-handa na sila sa kanilang tune-up game kontra China at bilang paghahanda na rin sa FIBA Olympic Qualifying Tournament.
Ipinost ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang larawan sa social media nung isang araw na nagpa-praktis na ang national team sa Angeles University Foundation Gym para sa kanilang tune-up.
Sa tatlong sunod na panalo sa Qualifiers sa Clark ay nakasampa na ang Gilas sa FIBA Asia Cup na mangyayari sa Jakarta, Indonesia.
Hindi maisasama ang lahat ng 15-man team na naglaro sa Clark bubble. Magkakaroon pa rin ng pilian sa mga naglaro sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers para sa final 12 na sasabak para sa national squad sa darating na OQT na gaganapin sa Belgrade, Serbia.
Makakasagupa ng Gilas Pilipinas sa Olympic Qualifying Tournament (OQT) ang hosts Serbia sa Hunyo 30 habang sunod na makakatapat ng national squad ang Dominican Republic sa Hulyo 1.