1 patay, 2 sugatan sa landslide sa Davao de Oro
BINAWIAN ng buhay ang isang 70-anyos babae habang sugatan ang dalawang iba pa sa naganap na pagguho ng lupa sa Purok 22, Brgy. Mt. Diwata, sa bayan ng Monkayo, lalawigan ng Davao de Oro, nitong Lunes ng hapon, 21 Hunyo.
Ayon kay Alicia Cabunoc, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer, Martes ng umaga (22 Hunyo) nang marekober ang bangkay ng biktima na kinilalang si Rizalda Matambonoy.
Nabatid na dalawang residente rin ng nabanggit na lugar ang nasugatan sa insidente at dinala sa pagamutan para sa atensiyong medikal.
Dahil sa landslide, tuluyang nawasak ang apat na bahay sa naturang barangay at dalawa ang napinsala.
Ayon kay Cabunoc, maaaring naging sanhi ng landslide ang malalakas na pag-ulang bunsod ng bagyong Auring at ang isinasagawang road construction sa lugar.
Matagal na rin umanong landslide-prone ang lugar base sa report ng Mines and Geosciences Bureau.
Nananatili muna sa evacuation center ang walong pamilyang apektado ng landslide habang patuloy ang clearing operation sa lugar.