DALAWANG araw matapos iulat na nawawala, natagpuang wala nang buhay ang isang liaison officer ng Department of Education (DepEd) at ang kanyang asawang guro at negosyante, sa loob ng kanilang sasakyan sa bayan ng San Fernando, lalawigan ng Cebu, nitong Biyernes, 18 Hunyo.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktimang sina Gavino Sanchez, 49 anyos, liaison officer ng DepEd-Minglanilla sa Cebu, at Arlene Sanchez, guro sa Tubod Elementary School sa bayan ng Minglanilla.
Natagpuan ang labi ng mag-asawang biktima noong Biyernes ng gabi sa loob ng kanilang pick-up na Mitsubishi Strada sa mabundok na Brgy. Tananas, sa bayan ng San Fernando.
Nabatid na iniulat ng pulis na kapatid ni Gavino na nawawala ang mag-asawa noong Miyerkoles, 16 Hunyo.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng ulat na dinukot ang mag-asawa ng mga armadong kalalakihan dakong 4:00 pm noong Miyerkoles.
Ayon kay P/Cpl. Mario Paul Tino ng San Fernando Police Station, isinumbong sa kanila ng mga residente ang isang pick-up truck na dalawang araw nang nakaparada at umaandar ang makina sa tabing kalsada.
Dahil sa masangsang na amoy na nagmumula sa sasakyan, tiningnan ng mga residente ang loob ng sasakyan at dito na nila nakita ang bangkay ng mga biktima.
Ayon sa salaysay ng ilang residente, nakarinig sila ng sunod-sunod na putok ng baril dakong 1:00 ng madaling araw noong Huwebes, 17 Hunyo, sa lugar kung saan nakaparada ang sasakyan.
Narekober mula sa loob ng sasakyan ang anim na basyo ng bala ng hindi pa natutukoy na armas.
Ayon sa isang kaanak ng mga biktima, maaaring pagnanakaw ang motibo sa pamamaslang sa mga biktima dahil may ilan silang pag-aaring mga negosyo.
Sinabi rin ng anak ng mga biktima na umuwi ang kanyang ama upang kumuha ng pera at iba pang mahahalagang bagay.
Hindi umano nagtagal si Gavino sa kanilang bahay at sinabi sa kanyang anak na naghihintay ang kanyang asawa.