MA at PA
ni Rommel Placente
DAHIlL napamahal na kay Aiko Melendez ang politika, babalikan niya ito. Sa darating na eleksiyon sa 2022, tatakbo siya bilang Congressman sa ika-5 distrito ng Quezon City.
Sabi ni Aiko, ”’Yung mga taong kumakausap sa akin mula sa Quezon City, si Vice Gov (Jhay Khonghun, BF ni Aiko) ang kinakausap more than me. Bago kami makapagdesisyon ng kung ano man.
“‘Yung mga dating politiko rin from Quezon City, ‘yung mga NGO kinakausap talaga ako. ‘Di ba supposedly naman talaga last election, I was supposed to run. Kaya lang I had to be with Vice Gov. And since ngayon term ko naman, he has to be with me naman when I run.
“So, napag-usapan namin na since ang daming taong nagkukumbinsi sa akin to run, and kahit naman noong wala pang pandemic, I’m always been behind the scenes ‘di ba sa pagseserbisyo sa bayan? It has been my first love. So ikinokonsidera ko talaga na, I’m going back to that direction. I’m going back to be a public servant,” mahabang paliwanag ng aktres.
Ano ang maipapangako niya para siguradong iboto ng mga taga-District 5 ng Quezon City?
“Public service,” sagot ni Aiko.
“Sa experience ko sa public service, na huminto man ako ng ilang taon, wala naman akong iniwan na gulo o pangit na pangalan sa Quezon City.
“At marami rin naman akong mga nagawang maganda sa distrito ko. Kaya malakas din naman ang loob ko na bumalik din sa naiwanan ko, dahil wala akong naiwan na hindi maganda,” giit ni Aiko.
Si Cong. Alfred Vargas ang kasalukuyang congressman ng District 5 ng Quezon City. At ang kapatid nito na si PM ay isa sa konsehal sa nasabing distrito. Paano kung sakaling tumakbo muli si Cong. Alfred bilang congressman o si PM bilang congressman naman at hindi na konsehal? Handa ba siyang kalabanin ang isa sa mga ito?
“Well, alam ninyo kasi, bawat tao naman at bawat kumakandidato, may karapatan naman silang tumakbo at magserbisyo. May kanya-kanya silang paraan para tumabko.
“I don’t see them as kalaban. Mai-inspire ako na galingan ko rin ‘yung pagseserbisyo ko sa tao. Kasi hindi naman ako tatakbo para kalabanin sila. Tatakbo ako dahil gusto kong magserbisyo. Kahit sino pa ang makalaban ko, handa kong harapin.”
Lock-in taping ‘di problema
Samantala, may gagawing pelikula si Aiko, isa itong trilogy na siya ang bida sa isang episode. Ang title ng pelikula ay Huwag Kang Lalabas na ang magiging direktor ay si Adolf Alix. Isa itong horror film. Ano ang preparation niya sa nasabing pelikula? At hindi ba siya maninibago sa lock-in shooting?
“Kasi sa ‘PrimaDonnas,’ nakadalawang lock-in ako. Kaya sanay na ako sa lock-in. Itong movie na ito, hindi gaanong kahaba ‘yung lock-in ko.
“’Yung paghahanda, ipauubaya ko na lang kay Direk Adolf. Kasi parang…bilang respeto sa kanya. Kasi ayoko naman na..hindi porke’t award-winning actress ka, didiktahan mo ‘yung direktor, ‘di ba? Gusto ko pa ring ibigay ‘yung respeto sa kanya na baka naman mayroon siyang magandang idea ng pag-atake ko roon sa role na gagawin ko.”
Masaya ring ibinalita ni Aiko na magkakaroon na ng Book 2 ang PrimaDonnas dahil mataas ang nakuha nitong rating noong nasa ere pa.
“Sa first week of August, mag-i-start na kaming mag-taping, hopefully, kapag wala nang aberya o hind na mag-iiba ang protocol dito sa bansa natin. Tingnan na lang natin sa book 2 kung bumait na ba si Kendra o lalong sumama. ‘Yun ang dapat nilang abangan,” sabi pa ng award-winning actress.