12-anyos ‘nene, 2 lumad patay sa bala ng militar (Umaani ng abaka)
HINDI nakaligtas sa kamatayan ang tatlong miyembro ng tribong Lumad-Manobo, kabilang ang isang 12-anyos batang babae, nang pagbabarilin ng sinabing mga kagawad ng militar sa bayan ng Lianga, lalawigan ng Surigao del Sur, nitong Martes, 15 Hunyo.
Ayon sa grupong Karapatan, kasalukuyang inaani ng mga biktimang kinilalang sina Willy Rodriguez, 20 anyos; Lenie Rivas, 38 anyos; at Angel Rivas, 12 anyos, ang abaka nang pagbabarilin sila ng mga mga sundalong kasapi ng 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army.
Naganap ang insidente dakong 1:00 pm nitong Martes, sa Sitio Panukmoan, Brgy. Diatagon, sa nabanggit na bayan.
Pawang mga residente ng Sitio Manluy-a sa naturang barangay ang mga biktima.
Samantala, ayon sa 4th Infantry Division ng Philippine Army, na nangangasiwa sa 3rd Special Forces Battalion, mga miyembro umano ng New People’s Army ang mga biktima na pinabulaanan ng Karapatan at sinabing sila ay mga magsasaka.
Dagdag ng militar, nagpasabog umano ng bomba at pinaputukan sila ng mga biktima kaya napilitan silang gumanti ng putok.
Nabatid na si Angel ay isang grade 6 student sa Lumad School Tribal Filipino Program ng Surigao del Sur habang sina Willy at Lenie ay kapwa miyembro ng organisasyon ng mga Lumad na Malahutayong Pakigbisog alang sa Sumusunod.
Dagdag ng Karapatan, dinala ng mga sundalo ang mga labi ng mga biktima sa kanilang headquarters sa bayan ng St. Christine, sa nabanggit na lalawigan.