Pondo sa bakuna sapat
MAY sapat na pondo ang pamahalaan para makamit ang target na herd immunity laban sa CoVid-19 para sa taon na ito, ngunit kailangan tiyakin na hindi kakapusin ang supply at maipamahagi nang tama ang mga bakuna.
Sinabi ito ni Senador Panfilo Lacson batay sa mga datos na inilabas ni Department of Finance (DOF) Secretary Carlos Dominguez III sa hearing ng committee of the whole sa Senado hinggil sa programa ng pamahalaan sa pagbabakuna nitong Martes.
Sa pag-aaral ni Lacson, may sobra pang P5 bilyon ang pamahalaan kung ang target sa herd immunity ngayong 2021 ang pagbabatayan.
“At P446 per dose including logistical costs, we will need P52.3 billion. We have already secured P57.3 billion through borrowings, so we have a surplus of P5 billion for herd immunity,” pahayag ni Lacson sa pagdinig.
“So money is not the problem here. Ang kailangan na lang dito maka-procure ng vaccines at may rollout,” dagdag ni Lacson.
Sinusugan ito ni Senate President Vicente Sotto III sa pagsasabing dapat pagtuunan ang rollout. “The bottom line is the rollout,” diin ni Sotto.
Ayon kay Lacson, para matamo ang herd immunity, kailangan ng pamahalaan ng P52.343 bilyon para makabili ng 117,361,601 target doses ng bakuna, lalabas na P446 ang bawat dosage kabilang ang logistical costs.
Sa naturang pagdinig, sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez, Jr., makakukuha ng 68 milyong dose ng libreng bakuna ang bansa. Ang 44 milyon ay manggagaling sa COVAX facility at 24 milyon mula sa dalawa pang manufacturers.