MALAPIT nang maubos ang supply ng bakuna sa Taguig City dahil sa pagdagsa ng bilang ng mga nagpapabakuna sa lungsod.
Sa rami ng nagpapabakuna sa lungsod at sa mabilis na aksiyon ng lokal na pamahalaan sa rollout ng bakuna, halos mauubos at tiyak na kukulangin ang supply sa Taguig.
Nais talakayin ng lungsod sa national government ang supply ng mga bakuna upang mas maraming tao ang makinabang gaya ng mga priority A1 o frontliners, A2 o senior citizens, A3 o ang mga may comorbidity, at bagong kategoryang A4 o ‘yung essential workers o manggagawa sa lungsod.
Ang mataas na demand ay dulot ng madali at mabilis na proseso sa pagrerehistro at pagkuha ng appointment upang makapagbakuna.
Sa rami ng nagpapabakuna, at halos wala o mababang numero ng mga tumatanggi, inaasahan ng lokal na pamahalaan ng Taguig na makamit ang target na mabakunahan ang lahat ng residente sa darating na Disyembre, kaugnay ito ng programang “road to zero.”
Nitong nakaraang tatlong araw, nakapagtala ang lungsod ng 8,000, 10,000 at 11,000 indibdiwal na dumagsa at nabakunahan sa mga vaccination hub na nakapuwesto sa iba’t ibang barangay sa lungsod, kasama rito ang vaccination bus na pumupunta ang iba’t ibang lugar sa siyudad upang mabigyan ng bakuna ang mas maraming mamamayan.
Halos zero ang dropout rate sa mga vaccination booking at schedule ang Taguig. Plano sa lungsod na itaas mula sa target na 6,800 katao kada araw at gawing 8,000 katao araw-araw ang mabakunahan.
Sa pagbubukas ng A4 category, dumarami ang indibidwal na gustong mabakunahan. Sa mga lugar na may pila, humihingi ang lungsod ng paumanhin dahil may mga residente na hindi iniinda ang pumila, upang sila’y mabakunahan.
Ginagawan na rin ng paraan ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang haba ng pila sa ibang vaccination hubs sa lungsod.
Patuloy ang pagbabakuna sa mga mall sa Taguig kung saan mas komportable, ligtas, at organisado ang mga tao.
Kinilala ng Taguig ang health workers at mga doktor na nagseserbisyo sa mamamayan upang labanan ang CoVid-19.
Sa kasalukuyan, nakapagbigay na ng bakuna ang lungsod sa 143,512 Taguigeños na kabilang sa kategoryang A1, A2, A3, at A4.