ARESTADO ang isang 22-anyos construction worker na pinaniniwalaang suspek sa pagpaslang kay Rolando Delorino, dating pangulo ng University of Eastern Philippines (UEP) sa bayan ng Catarman, lalawigan ng Northern Samar, kahapon, Linggo, 13 Hunyo.
Kinilala ni P/Col. Arnel Apud, hepe ng Northern Samar police, ang suspek na si Alvin Plandez, 22 anyos, mula sa Brgy. Cag Abaca, sa naturang bayan.
Ani Apud, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek sa pamamagitan ng kuha sa CCTV.
Nang dakpin ng mga awtoridad, suot pa rin ng suspek ang parehong damit nang paslangin ang biktima at nasa kanya pang pag-iingat ang kutsilyong ginamit.
Ayon kay Apud, bumalik ang suspek sa pinangyarihan ng krimen upang tingnan ang kalagayan ng biktima.
Sa kanyang pagkakadakip, inamin ni Plandez ang krimen at sinabing inutusan siya ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na patayin si Delorino at kung hindi ay pamilya niya ang mapapahamak.
Samantala, tinitiyak pa umano nina Apud ang impormasyon mula sa suspek na kasalukuyang nasa kanilang kustodiya.
Nabatid na miyembro ang suspek ng isang robbery-extortion group at nauna nang naaresto sa isang kaso noong Pebrero ng kasalukuyang taon.
Natagpuan ng kanyang anak na babae si Delorino na naliligo sa sariling dugo sa kanilang bahay sa Brgy. Dalakit, Catarman dakong 5:45 am.
Pinaniniwalaang sanhi ng agarang pagkamatay ng biktima ang ilang saksak ng kutsilyo sa kanyang katawan.