TINULDUKAN ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang talamak na pamemeke ng S-PASS o Safe, Swift and Smart Passage sa Batangas Port.
Ito ang resulta ng mabilis na aksiyon ni Tugade matapos makarating sa kanyang kaalaman ang talamak na pekeng S-PASS na ang biktima ay mga pasahero sa nasabing pantalan.
Batay sa direktiba ng kalihim, agad inutusan ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Atty. Jay Daniel Santiago ang pribadong operator nitong Asian Terminals Incorporated (ATI) na gumamit ng tinatawag na QR code scanner.
Sa pamamagitan nito, tukoy na agad ng pamunuan ng PPA ang mga pekeng S-PASS bago pa man pumasok sa loob ng pantalan dahilan kaya tumigil nang tuluyan ang nasabing modus.
Magugunitang ipinag-utos ni Tugade ang paggamit ng S-PASS sa lahat ng pasahero na gagamit ng pantalan bilang tugon ng DOTr sa panuntunang ipinatutupad ng gobyerno sa pagbiyahe sa panahon ng pandemya.