BINATIKOS ng isang commuter group si dating QC Traffic management head Atty. Ariel Inton nang sabihing taxi drivers dapat ang managot sa mga multa sa mga paglabag sa batas trapiko at hindi ang mayayamang operators.
Hindi umano sang-ayon sa batas ang panukala ni Inton sapagkat ang taxi drivers ay mga ahente lamang ng mga operator dahil sila ang rehistradong nagmamay-ari ng taxi units.
Ayon kay Pat Mangubat, tagapagsalita ng commuter group na PASADA, labag sa mga ordinansa ng lungsod maging ng batas sa public transport ang panukala ni Inton. Aniya, ang taxi drivers ay ahente lamang ng operators.
Gustong pahirapan ni Inton ang taxi drivers na apektado ngayon ng pandemya at prinoprotektahan ang mga taxi operators para makaligtas sa pagbabayad ng mga multa mula sa no contact apprehension program (NCAP) na ipinatutupad sa Maynila, Parañaque, at Valenzuela.
Ilan umanong taxi operators ang nais takasan ang mga responsabilidad nila sa pagbabayad ng multa mula sa paglabag sa batas trapiko.
“Kung nagbasa lamang ng ordinansa si Inton at hindi nagmadaling pumutak sa media para protektahan ang mga kaibigan niyang taxi operators, hindi sana mangyayari ito. Siguro naman pinag-aralan ni Inton ang batas sa transportasyon, bilang dating kasapi ng LTFRB at batid niyang kapagka pinagmaneho ng operator ang isang driver ay nagiging ahente niya ito at anomang gawin nito sa panahong nagmamaneho siya ng sasakyan ay kargo ng operator. Basic ‘yan sa law of agency,” sabi Mangubat.
Dating konsehal si Inton na napahiya nang manakit ng isang pribadong motorista noong siya pa ay traffic czar ng lungsod ng Quezon. Ayon sa ilang mga taga-QC, maaaring nagpapatunog lamang si Inton sa mga posibleng tumulong para makabalik siya sa politika.
Sinipa siya ni QC mayor Belmonte nang matuklasang gumamit ng isang tow trucking services si Inton na nakabase sa Pasig City para hulihin ang mga illegal parking sa Quezon City.
“Malinaw sa batas, maging sa public transport law na ang operators ang may pananagutan sa mga gawaing isinasagawa ng taxi drivers sa sandaling gamitin nito ang taxi units ng operators. Ang operator ang nakarehistrong nagmamay-ari ng awto kaya dapat may pananagutan sila sa sandaling lumabag sa batas trapiko ang kani-kanilang mga driver dahil ahente nga nila ang mga ito,” ayon kay Mangubat.
Sa panukala ni Inton, nais nitong baliktarin ang batas para maprotektahan ang mga operators na nais namang makalusot sa mga multang ipinatutupad ng NCAP.
Mali rin aniyang sabihing walang basehan sa batas ang pagpapatupad ng NCAP dahil nakasalalay sa mga ordinansa ng mga lungsod ang nasabing programa.
Aprobado ang NCAP aniya ng mga nasabing lungsod upang mapaganda ang daloy ng trapiko at magkaroon ng disiplina ang motorista.