Babaeng ROF natagpuang patay sa hotel (Habang nasa quarantine sa Cebu)
NATAGPUANG wala nang buhay ang isang babaeng returning overseas Filipino (ROF) na tubong Nueva Ecija habang naka-quarantine sa isang hotel sa lungsod ng Lapu-Lapu, lalawigan ng Cebu, nitong Linggo, 30 Mayo.
Kinilala ni P/Col. Arnel Banson, hepe ng Lapu-Lapu City Police Office, ang namatay na si Geraldine Dasalya, 41 anyos.
Nabatid na dumating sa bansa si Dasalya mula Qatar nitong 21 Mayo .
Bilang pagtalima sa umiiral na health protocols para sa mga pumapasok na ROF sa bansa, nag-check in si Dasalya sa isang hotel sa Brgy. Mactan para sa kanyang 10-araw na quarantine.
Dagdag ni Banzon, nakatakda nang bumiyahe si Dasalya patungo sa Nueva Ecija matapos ang dalawang negatibong resulta ng RT-PCR test.
Ani Banzon, hinihintay ng mga awtoridad ang permiso ng pamilya ng biktima para magsagawa ng awtopsiya upang matukoy ang sanhi ng kanyang kamatayan.
Ayon sa ulat mula sa medical team ng lungsod, sumuka ng dugo si Dasalya, isang gabi bago siya matagpuang wala nang buhay.
Naniniwala sila Banzon na walang kinalaman sa CoVid-19 ang pagkamatay ni Dasalya dahil nagnegatibo siya rito ngnunit masama umano ang pakiramdam bago pumanaw.
Nakipag-ugnayan sa pamunuan ng hotel ang kasamang babae ni Dasalya dakong 7:00 am noong Linggo nang hindi sumasagot ang kaibigan sa kanyang mga tawag.