MONTALBAN, Rizal – Walang ‘dating’ sa Rodriguez local government ang abiso ng Land Transportation and Franchise Regulatory Board (LTFRB) na nagpahintulot sa mga operator ng modern jeepney sa nasabing lokalidad para sila ay pumasada.
Ngunit inisyuhan ng tiket at ipana-impound ng Montalban Traffic Management Development Office (MTMDO) ang hindi bababa sa 20 pampasaherong unit ng mga modernong jeppney na kasapi ng Commonwealth Transport Service Cooperative dahil sa paggamit ng temporary authority to operate na inilabas ng LTFRB habang ipinoproseso ang kanilang validity extension.
Bunsod nito, nagtigil-pasada ang may 20 tsuper ng naturang kooperatiba.
Sa isang pahayag, sinabi ni CTSC general manager Dhelta Bernardo, hindi sila nagkulang sa pagtupad ng mga alituntuning ibinababa ng LTFRB at ng Montalban LGU.
Aniya, nakapagsumite sila ng application for extension of validity na may resibo mula mismo sa nasabing ahensiyang nangangasiwa sa prankisa at operasyon ng mga pampasaherong sasakyan.
Gayonman, hindi aniya tinanggap ni Montalban Management Development Office (MMDO) chief Charlie Boy Labez ang temporary authority to operate mula sa LTFRB.
Giit ni Labez, colorum ang kanilang kooperatiba na may rutang Montalban-Litex.
Nanawagan ang mga tsuper at operator ng nasabing modern jeeps sa Department of the Interior and Local Government (DILG) na panghimasukan ang nasabing usapin lalo pa’t direktang pagsalungat ang ginawa ng Montalban LGU sa programang modernisasyon ng administrasyong Duterte.
Suspetsa ng mga tsuper, isang malinaw na panggigipit na maaaring paramdam ng pangingikil ang ginagawa sa kanilang hanay ng nasabing LGU na una nang nagpasara sa kanilang terminal sa Barangay San Isidro.