Opinyon ni JPE sa WPS mas matimbang kaysa pulong ng NSC
MAS matimbang para kay Pangulong Rodrigo Duterte ang opinyon ni dating Senador at accused plunderer Juan Ponce-Enrile sa West Phiilippine Sea (WPS) kaysa pakinggan ang boses ng National Security Council (NSC).
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, matapos ihayag ni Enrile kay Pangulong Duterte na wasto ang tinatahak na direksiyon ng administrasyon sa relasyon sa China ay napagtanto ng Punong Ehekutibo na walang kagyat na pangangailangan upang pulungin ang NSC.
Iminungkahi kamakailan si dating Sen. Rodolfo Biazon na magpulong ang NSC upang magkaroon ng matatag na paninindigan ang Filipinas kasunod ng nakalilitong posisyon ng administrasyong Duterte sa WPS issue.
Hinimok ni Biazon ang Kongreso na magpasa ng isang joint resolution na hihiling sa pagpupulong ng NSC, kung ayaw ng Executive Department na gawin ito.
Ikinatuwiran ni Roque, wala naman nareresolba sa ilang meeting ng NSC.
“Lilinawin ko po: The President toyed with the idea, kasi nga may nagsasabi na dapat i-convene ang National Security Council daw, pero ang sabi ni Presidente, iyong mga pagkakataon na naka-attend siya ng National Security Council wala namang naresolba.
“But itong possibility na ito was before Senator JPE shared his views on the WPS. Pero mukha namang after JPE concurred that the President is pursuing the right policy on the West Philippine Sea, e wala naman pong urgency na pag-usapan itong bagay na ito, either with the National Security Council or with the former presidents ‘no. So this is not a done deal po. It was something that President was speculating on, before JPE fully concurred with his policy on the WPS,” pahayag ni Roque kahapon sa virtual press briefing.
Noong nakalipas na linggo ay pinayohan ni Enrile si Pangulong Duterte na ituloy ang pakikipagmabutihan sa China at huwag intindihin ang mga kritisismo.
“Only history will judge you. And I think that history will judge you very well. If I were in your place I would have — I would have done the same thing. What else can a president of this country do under our present national circumstance?
“You can shout, you can beat your breast, you can raise your fist. Without any backup, it’s just — that is just noise,” ani Enrile.
Si Enrile ay pansamantalang pinalaya ng Korte Suprema sa bisa ng piyansa sa kasong plunder at 15 graft cases kaugnay sa pagkakasangkot sa pag-endoso sa kanyang P172 milyon Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel sa bogus na non-government organizations (NGOs) na pagmamay-ari ng tinaguriang pork barrel scam queen Janet Lim Napoles.
Noong Marso 2021 ay hiniling ni Enrile sa Sandiganbayan na ibasura ang kinakaharap na plunder case dahil hindi umano siya pinayagan na magkomento o tumutol sa pre-trial order ng anti-graft court.