NAGBABALA ang hepe ng Quezon City Police District (QCPD) na agad niyang ipaaaresto ang mga ilegalistang kumakaladkad sa kanyang pangalan sa kahit anong uri ng ilegal na sugal at iba pang mga ilegal na gawain sa lungsod.
Ang babala ni QCPD chief Antonio Candido Yarra ay kasunod ng mga ulat na nakararating sa Camp Karingal na dalawang illegal gambling operators ang nagpapalaro sa lungsod ng lotteng at kinakaladkad umano ang opisina ng heneral na siyang nagbigay ng basbas.
Kinilala ang dalawang ilegalista, na silang itinuturong bangka ng lotteng, o bookies
ng larong lotto ng PCSO, sa mga alyas na Pinong at Daniel.
Maging ang pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay nagpalabas din ng utos na arestohin ang dalawang ilegalista bunsod ng ulat na ginagamit din nila ang opisina ng NCRPO director sa kanilang illegal gambling operations.
Nauna nang iniutos ni Mayor Joy Belmonte sa lokal na pulisya na linisin ang anomang uri ng ilegal na gawain at masasamang bisyo sa lungsod at pangunahin dito ang kampanya sa droga at illegal number’s game tulad ng jueteng at lotteng.
“Sa gitna ng pandemya ay higit nating pag-ibayuhin at ‘wag tantanan ang kampanya laban sa mga ilegalistang nagsasamantala sa kahirapan ng ating mamamayan tulad ng paglalako ng droga at operasyon ng ilegal na sugal,” pahayag noon ng opisina ng alkalde.
Ipinag-utos na rin ng punong lungsod sa buong pamunuan ng QCPD na bukod kina Pinong at Daniel ay kilalanin, manmanan, at sugpuin ang iba pang grupo ng mga kriminal at ilegalistang namumugaran sa lungsod.