Huwag choosy sa bakuna — Duterte
HINDI puwedeng mamili ng ituturok na CoVid-19 vaccine.
Iginiit ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dahilan na lahat ng CoVid-vaccine ay “potent and effective.”
“There’s no reason for you to be choosy about it. Kung ano ang nasa harap ninyo, ‘yun na. Do not ask for a special kind of [vaccine] kasi bulto por bulto iyan dito. Hindi namimili iyan,” sabi ng Pangulo.
Ipamamahagi aniya ni Galvez ang CoVid-19 vaccine “with a blind eye for a brand.”
“Hindi ka mamili. Ang mamili si Secretary Galvez . And Secretary Galvez will make the distribution with a blind eye sa brand,” dagdag ng Pangulo.
Suportado ng Pangulo ang balak ni Galvez na unahin sa babakunahan ang mahihirap.
“Unahin ninyo ang mahihirap. If there is difficulty in getting them out of their respective communities, kayo na ang papasok doon. Enter the place and do the vaccination there,” utos ng Pangulo kay Galvez.
Sinabi ni Galvez na ang mga bakunang mula sa CoVid-19 Vaccines Global Access (COVAX) Facility ay maaaring iturok sa mahihirap.
Sa kasalukuyan ay may 44 million CoVid-19 vaccine doses mula sa COVAX Facility.
Hinimok ng Pangulo ang mayayaman na magpahuli sa linya ng mga magpapabakuna.
“Itong sinasabi ko na mga [nasa] subdivision, kung may subdivisions na medyo nalagay sa upper, pahuli muna kayo. Samantala ito namang mga ‘squatter’ ang bahay nila dikit-dikit so the transmission is really as fast as the virus can travel,” anang Pangulo.
“May reason ako riyan. Hindi, sabihin mo na may galit ako or ayaw ko purposely. It’s not that. It’s the way where you find yourself in life na (that) you must consider. We’re all human beings,” aniya.